
Ni Lily Reyes
HUMINGI ng dispensa si Quezon City Mayor Joy Belmonte sa mga motoristang naabala matapos pahintuin ng mga traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang daloy ng trapiko nang makita ang paparating nilang convoy.
Partikular na tinukoy ni Belmonte ang aniya’y pagbigat sa daloy ng mga sasakyan sa panulukan ng Katipunan Avenue at Aurora Boulevard kung saan inamin ng alkalde ang pagdaan ng kanyang sasakyan matapos dumalo sa isang ribbon-cutting ng bagong bukas na negosyo sa nasabing lugar.
“Humihingi ako ng paumanhin sa kalituhan na nangyari ngayon lamang sa bahagi ng Katipunan Avenue-Aurora Boulevard,” pahayag ni Belmonte.
Aniya, matapos ang ribbon cutting ng bagong bukas na coffee shop, agad nilang binaybay ang Katipunan Avenue, subalit lingid diumano sa kanilang kaalaman ay pinahinto ng mga MMDA traffic enforcers ang daloy ng trapiko sa kanilang daraanan.
“Sumenyas man ang aking mga tauhan na hindi ito nararapat, nagdulot pa rin ng abala sa ibang motorista ang pangyayari.”
Kaugnay nito, inaatasan na rin ng alkalde ang Department of Public Order and Safety (DPOS), Traffic and Transport Management Department (TTMD) at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan na makipag-ugnayan sa MMDA at talakayin ang pagrepaso at pagsasaayos sa traffic protocol sa mga kahalintulad na pagkakataon.
“Nais kong bigyang-diin na dapat ay akma ang protocol sa kapakanan ng lahat ng gumagamit ng mga kalsada, anuman ang kanilang estado sa lipunan,” pagtatapos ni Belmonte.