LUBHANG ikinabahala ni Senador Grace Poe ang patuloy na pagdami ng aksidente sa lansangan na ikinamatay at ikinasugat ng drayber man o pasahero sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Para kay Poe na dating chairperson ng Senate committee on public services, napapanahon na para pagtibayin ang transport safety bill na nakabinbin sa senado.
“Naibubuwis ang buhay at nasusugatan ang ilang motorista araw-araw na maaari naman maiwasan. Hindi ito katanggap-tanggap,” ayon kay Poe, na punong may-akda ng Senate Bill 1121 o ang panukalang Philippine Transportation Safety Board (PTSB).
“Nakakabili ng bagong motorsiklo, pero hindi napapalitan ang buhay,” dugtong ng senador, kasabay ng giit na dapat magsilbing hudyat sa awtoridad ang estadistika sa dami ng aksidente sa kalye at nasasawi upang pabilisin ang takbo at ipatupad ng proactive measures na naglalayong mabawasan kundi man tuluyang masugpo ang aksidente.
Layunin ng panukalang PTSB na lumikha ng nag-iisang ahensyang may kapangyarihan sa pag-iimbestiga ng lahat ng transportation-related accidents at insidente sa himpapawid, karagatan at kalupaan kabilang ang tren at pipeline systems.
Magbibigay ang panukala ng katumbas na pangunahing proactive solutions tulad ng istriktong pagsusuri sa lahat ng pampublikong sasakyan, pagbibigay ng lisensya at pagsasanay at safety measures upang maiwasan ang aksidente.
“Isang responsibilidad ang pagmamaneho na higit pa sa karapatan, ayon kay Poe, na namumuno sa Senate Committee on Public Services bago hawakan ang Finance Committee.
Sinabi ng senador na dapat alam ng drayber na nasa likod ng manibela ang pangunahing pakay ng transportasyon – ang makarating ng ligtas sa destinasyon — bagay na mangyayari lamang aniya kung palaging nasa kondisyon ang sasakyan, tumatalima sa batas trapiko at ang pagiging alerto sa lagay ng kalye.
Para naman sa public utility drivers, kabilang ang motorcycle taxi riders, sinabi ni Poe na maaaring bigyan sila ng libreng pagsasanay sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority.
Sa datos ng Metropolitan Manila Development Authority mula Enero hanggang Nobyembre 2024, umabot sa 62,723 ang naganap na aksidente kung saan pumalo sa 332 ang nasawi.
Karamihan sa sangkot na aksidente ang apat na gulong na sasakyan kasunod ng motorsiklo at trak.
Samantala, iniulat naman ng Department of Health, na umabot sa 12,241 namatay sanhi ng aksidente sa lansangan, batay sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2022.
Naunang Inihayag ni Health Secretary Teodoro Herbosa na sa loob ng 10 taon, tumaas ang bilang ng aksidente sa kalye ng mahigit 25.6 percent kada taon.
“We want both our drivers and passengers to come home safe to their families at the end of the day. As they say, safety is no accident,” pagtatapos ni Poe. (ESTONG REYES)
