MATAPOS ang halos isang buwang “bakasyon,” ganap nang ibinalik sa likod ng malamig na rehas ng Pasig City Jail si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na wala na sa pagamutan ang kontrobersyal na pastor, alinsunod sa utos ng Pasig City Regional Trial Court.
Ayon kay BJMP spokesperson Jayrex Bustanera, walang dahilan para ibalam ang utos ng korte – na ibalik sa selda na Quiboloy – kahit pa dating siyang presidential spiritual adviser ni former President Rodrigo Duterte.
Enero 18 nang ilabas sa piitan at dalhin sa Rizal Medical Center (RMC) si Quiboloy matapos dumaing na nahihirapan sa paghinga. Mula sa RMC, inilipat ang kontrobersyal na religious leader sa Medical City kung saan lumabas umano sa pagsusuri ang “community acquired pneumonia.”
Una ng ipinag-utos ng Pasig City RTC Branch 159 noong Enero 23 na ilipat sa Pasig City General Hospital si Quiboloy matapos makumpirma na may moderate risk pneumonia at stage 2 hypertension ang pastor na nahaharap sa kasong panghahalay at human trafficking.
