HINIKAYAT ng toxic watchdog na BAN Toxics sa Facebook na suspendihin at tanggalin ang social media accounts at pages sa likod ng lantarang pagbebenta ng mga produktong bahid ng asoge (mercury) upang iiwas sa masamang epekto ng nasabing kemikal sa kalusugan ng mga mamamayan.
Sa pinakabagong online market monitoring na isinagawa ng BT Patrollers ng BAN Toxics, napag-alaman may hindi bababa sa 18 sellers ng liquid mercury at higit sa 100 sellers ng mga produktong pampaputi na pawang mga ipinagbabawal sa ilalim ng Chemical Control Order for Mercury and Mercury Compounds ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at kinokontrol ng Food and Drug Administration (FDA).
“Nakakadismayang makita ang mga ipinagbabawal na asoge at mga produktong ginagamitan nito na naglipana sa Facebook Marketplace sa kabila ng mga regulasyon kaugnay sa mercury sa ating bansa,” ayon kay Thony Dizon, Toxics campaigner ng BAN Toxics.
Nakasaad sa patakaran sa Facebook Community Standards hinggil sa ipinagbabawal na mga mapanganib na produkto at serbisyo (Hazardous Goods and Materials) na “upang hikayatin ang kaligtasan at maiwasan ang potensyal na mapaminsalang mga aktibidad, ipinagbabawal ang mga pagtatangka ng mga indibidwal, nagmamanupaktura at retailers na bumili, magbenta, mag raffle, magregalo, maglipat o makipagpalitan ng mga nasabing produkto at serbisyo sa aming platform.”
Ayon naman sa nakasaad sa Facebook Content Restrictions Based on Local Law, “kapag may naiulat sa Facebook na lumalabag sa lokal na batas ngunit hindi bumangga sa Community Standards, maaaring pagbawalan ang mga nasabing produkto o serbisyo sa bansa kung saan ito ay sinasabing lumalabag sa batas.”
“Hinihimok ng BAN Toxics ang publiko na maging mapagbantay sa pagsubaybay at pag-uulat sa mga ipinagbabawal na produktong mabibili sa Facebook Marketplace. Mahalagang mahinto ang patuloy na pagbebenta online ng mga likidong asoge at mga produktong ginagamitan ng mercury,” dagdag pa ng grupo.
Batay sa World Health Organization (WHO) Mercury Fact Sheet, “ang elemental mercury at methylmercury ay nakalalason sa central and peripheral nervous systems. Ang paglanghap ng singaw ng asoge (mercury vapour) ay nagdudulot ng masamang epekto sa nervous, digestive at immune systems, baga at kidneys, at maaaring makamatay.”
“Kakikitaan ng neurological at behavioral disorders ang isang taong nakalanghap, nakalunok o dermal exposure gamit ang iba’t ibang produktong may mercury.”
Taong 2020 nang ratipikahan ng Pilipinas ang Minamata Convention on Mercury, isang pandaigdigang kasunduang naglalayong bawasan, at kung posible, alisin nang tuluyan ang mga aktibidad ng tao na pinagmumulan ng emission at release ng asoge sa kapaligiran.