
Ni Romeo Allan Butuyan
UPANG mapabuti ang ani at kita ng mga magsasaka gayundin ang mapatatag ang suplay ng bigas sa bansa, sinabi ni Speaker Martin G. Romualdez na magkakaroon ng realignment sa ilalim ng 2024 National Expenditure Program (NEP) na aabot sa mahigit P40 bilyon para matustusan ang irrigation program ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos.
Sa kanyang pagdalo sa presentasyon ng solar-powered irrigation project ng National Irrigation Administration (NIA) Region 3 Office sa San Rafael, Bulacan kamakailan, sinabi ni Romualdez na sumulat ang NIA sa Kamara upang hilingin na ibalik ang P90 bilyong pondo na inalis sa kanila sa ilalim ng panukalang 2024 national budget.
“Yung mga hinihingi nila ay over P100 billion pero ang naibigay sa kanila ay mga P40 billion (lang) kaya mukhang makaka-realign tayo ng pondo na over P40 plus billion. So idodoble natin ‘yung nasa NEP (National Expenditure Program) para at least makakagalaw ang NIA,” paglalahad ng lider ng 311-member House of Representatives. Binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng irigasyon upang mapataas ang produksyon ng pagkain sa bansa kaya dapat umanong lagakan ito ng sapat na pondo.
Bukod dito, ipinabatid din ng House Speaker ang plano ni Presidente Marcos na gamitin ang sobrang P10-B sa nalikom na Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) bilang pangsuporta sa mga magsasaka, kabilang ang para sa irigasyon ng kanilang taniman.
“Nakikita po natin, mukhang magkakaroon po tayo ng excess collections sa RCEF kaya sabi ng ating mahal na Pangulo dapat itong 10 billion (pesos) na excess collections, ipagamit natin dito sa ating mga magsasaka,” sabi pa ni Romualdez.
“At yung hinihingi lang naman sana kaya itong parang namumuhunan ang ating Presidente dito sa mga magsasaka para pagdating ng panahon na maaani itong mga palay, siguro, ipasa na lang ‘yung savings nito sa mamamayan para bumaba naman yung presyo ng ating bigas,” dugtong niya.
Pagbibigay-diin ni Romualdez, ang hakbang na ito ni Pangulong Marcos ay nagpapakita na siya ay seryoso na matiyak na may sapat na suplay ng pagkain sa bansa na abot-kaya ang presyo.
Kasama rito ang pagnanais ng Punong Ehekutibo na mapababa sa P20 ang presyo ng kada kilo ng bigas.
“Walang masamang mangarap at gumawa lahat ng paraan na ma-achieve natin ito,” ani Romualdez.