
TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang supply ng bigas sa bansa hanggang sa susunod na taon dahil sagana ang ani ngayong tag-ulan kasabay pa ng pag-angkat ng bigas sa ikatlong bahagi ng 2023.
“Bagama’t umaasa tayo ng additional imports ay very comfortable iyong ating national stock inventory – normally, tinitingnan natin between 60 to 90 days,” sabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa.
“But with our inventory plus imports, going into the first quarter of next year ay matatag po ang supply ng ating bigas sa buong bansa.”
Ipinaliwanag din ni De mesa na inaasahan din ang 77 araw ng national rice stock inventory ngayong buwan.
At sa pagtatapos ng buwan ng Nobyembre, inaasahan naman ang 94 araw na national stock inventory. “So wala pa rito iyong additional imports noong buwan ng Setyembre at katapusan ng third quarter ay umabot sa 271,000 metric tons iyong na-import,” ayon pa kay De Mesa.
“Ang kabuuan, hanggang end ng third quarter is 2.4 million metric tons. This is 600,000 metric tons lower than three million metric tons of the same period last year.”
Dahil sa mataas na inflation rate noong Setyembre, inaasahan na din umano ang mabagal na inflation dahil sa pagbagsak ng presyo ng bigas sa merkado.
“Kami ay naniniwala na malaki ang epekto ng pagbaba ng presyo ng bigas. Kasi kung titingnan natin, sa inflation rate, malaking bagay iyong food inflation na contribution – at doon sa food inflation, malaking contribution doon iyong bigas,”ayon pa kay De Mesa.
“At ang tantiya namin, noong nagkaroon ng pag-aaral doon sa inflation, iyong epekto kasi ng Executive Order (EO) No. 39, naramdaman ito towards last week ng September,” dagdag pa nito.