OPISYAL nang inilunsad sa lungsod ng Cebu ang “Kadiwa ng Pangulo” bilang bahagi ng programang naglalayong maghatid ng murang bilihin sa mga konsyumer.
Sa kanyang mensahe, hanayagang ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Kadiwa na aniya’y dinumog at sadyang ikinatuwa ng mga maralitang pamilyang biniyayaan ng murang panindang inihain bilang ‘noche buena’ noong nakaraang Pasko at ‘media noche’ naman sa pagpasok ng bagong taon.
Maliban aniya sa pagma-market ng agricultural products sa Kadiwa ng Pangulo, kalakip din ng naturang programa ang pagkakataong makapag negosyo ang hanay ng mga Micro, Small and Medium Enterprise (MSME) na katuwang na nagbebenta ng mga produktong tampok ng Kadiwa.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang programang sabayang itinaguyod at patuloy na isinusulong ng Department of Labor and Employment, Department of Trade and Industry at Department of Agriculture.
Batay sa datos ng pamahalaan, meron nang 500 Kadiwa ng Pangulo outlets sa iba’t ibang bahagi ng bansa.