SA gitna ng patuloy na pagsipa ng inflation rate sa bansa, ayudang pera ang tugon ang Department of Finance (DOF) sa mga pamilyang apektado ng walang puknat na pagtaas sa presyo ng bilihin sa merkado.
Ayon kay Finance Sec. Benjamin Diokno, nasa proseso nga ng paghahanda ang kagawaran na napipintong pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Targeted Cash Transfer (TCT) program sa hangaring makatulong sa mga maralitang mamamayan.
“Right now, we’re considering the two-month subsidy for consumers,” pahayag ni Diokno.
Gayunpaman, walang partikular na binanggit ang Kalihim kung kailan sisipa ang pamamahagi ng P1,000 kada pamilyang nasa talaan ng pamahalaan, kasabay ng pag-amin na hinanahapan pa nila ng pondo ang isinusulong na ayuda.
“We’re just waiting for the announcement from the Palace,” ani Diokno kaugnay ng planong dalawang buwang pagpapalawig ng TCT program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“This is for the poorest of the poor, not necessarily the 4Ps. Iba pa ‘yung 4Ps. Sometimes if nasa 4Ps ka, kasama ka na rin dito,” paglilinaw ni Diokno.
