
SA layuning isulong ang karapatan ng mga kabataan sa larangan ng edukasyon, isang panukalang parusa ang inihain sa Senado para sa mga pribadong eskwelahang nagpapatupad ng polisiyang ‘no permit, no exam.’ bunsod ng naantalang pagbabayad ng matrikula.
Sa ilalim ng Senate Bill 1359 (No Permit, No Exam Prohibition), nanindigan si Senador Bong Go na dapat managot ang mga educational institutions na nagpapatupad ng “no permit, no exam” sa mga estudyante.
Ayon kay Go, hindi dahilan ang pagkaantala ng pagbabayad sa matrikula para pagkaitan ang sektor na tinawag niyang pag-asa ng kinabukasan ng bayan, kasabay ng giit na hindi angkop na gipitin ang mga kabataang dapat ay nakatuon lang sa kanilang pag-aaral.
Sakop ng panukala ang lahat ng pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon kabilang ang mga paaralang elementarya at sekondarya, post-secondary technical-vocational institutes, at higher educational institutions.
Sa ilalim ng panukala, walang institusyong pang-edukasyon, pampubliko o pribado, ang dapat magpataw ng anumang patakaran na pumipigil sa mga mag-aaral na may outstanding financial o property obligations, na kumuha ng eksaminasyon o anumang uri ng educational assessment.