
KUMIKITA ng P500 hanggang P1,000 kada buwan ang mga may kapansanan na kasapi sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa proyektong Persons with Disabilities – Electric Transportation Service (PWD-ETS) Bus.
Ito ang inihayag ni DSWD-SLP Director Miramel Garcia-Laxa sa media forum ng kagawaran ngayong Hunyo 19, kung saan ay iniulat niya na umaabot sa 2,300 PWDs ang kasapi ng programa ang tumatanggap na ng buwanang kita.
Ang mga ito aniya ay nakapaloob sa 20 SLP Associations (SLPA) na nasa iba-ibang lugar sa National Capital Region (NCR) at may tig-115 kasapi.
Ang bawat SLPA ay ginawaran ng DSWD ng P2.25 milyon bilang seed capitalization sa PWD-ETS Bus na nagkakahalaga ng P4.5 milyon bawat isa.
Ito ay gawa ng Global Electric Transport (GET) Philippines Inc. (GETPH) na siya ring service provider ng naturang e-bus project.
Ang mga PWD-ETS Bus ay nagsisilbi muna bilang corporate shuttle service ng ilang malalaking kumpanya na ka-partner sa programa at may mga empleyadong PWD.
Meron na nitong nag-o-operate sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig kung saan ang bawat e-bus ay kumikita umano ng P30k-P40k kada buwan.
“For now, kumikita ang ating mga e-buses, based sa financial statements na sinu-submit nila sa amin, ng P30k-P40k kada buwan. Kalahati ng kitang ito ay pambayad sa GETPH at ang natitirang kalahati ay dibidendong pinaghahatian ng mga PWD na kasapi ng SLPA.
Ang nangyayari ngayon, every three months o kaya ay every six months ang hatian nila ng dibidendo para mas malaking halaga ang matatanggap nila. Ranging from P500 to P1,000 ang earning ng bawat PWD na miyembro ng SLP Association,” ani Garcia-Laxa.
Target ng DSWD na gawin na itong pampublikong transportasyon sa 2026 at ibibiyahe kasama ng mga carousel bus.
“Titingnan muna natin paano ang magiging takbo nito, earnings nila, ano ang pwedeng improve pa, kasi ang goal nga ng DSWD ay maging public transport na ito,” ani Garcia-Laxa. Pwede ring magamit ang naturang bus sa mga biyahe ng SLPA.
“Every time na yung group nila kailangan ng public transport for the activities ng group, pwede ito, and yun nga, tumatakbo sya as corporate shuttle,” aniya. Environmentally-friendly din ang mga PWD-ETS Bus.
“May charging stations ang GETPH at eventually mag-i-install din sa pickup points. Yung PWDs pwede rin sila maging driver ng bus,” sabi pa ni Garcia-Laxa.
Noong nagdaang Hunyo 17 ay pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, kasama si GETPH President Freddie Tinga, ang inspection at test run ng mga e-bus. Nilinaw naman ni Garcia-Laxa na ang PWD-ETS Bus project ay hindi ngayon lang naisip ng DSWD dahil nag-viral ang insidente ng pagbugbog sa isang PWD sa bus.
Ang naturang proyekto aniya ay noong 2023 pa nabuo ang konsepto at tuloy-tuloy ang ginawang pag-aasikaso ng kagawaran para sa pormal na paglulunsad nito.
Una nang sinabi ni Gatchalian na walang tigil ang kagawaran sa pagpapatupad ng mga hakbangin para sa kapakanan ng mga PWD at iba pang bulnerableng sektor, alinsunod sa atas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Ang utos ng ating Pangulo noong nagsimula ako sa DSWD is siguraduhin na ‘yung proteksyon natin sa mga bulnerable [ay] malawak na malawak. Kasama diyan ‘yung paglunsad ng mga safe spaces o safe public transpo para sa ating mga may kapansanan,” ani Gatchalian. 30 (Reggie Vizmanos)