
TALIWAS sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong panahon ng kampanyang kalakip ng halalan, malabong bumalik sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas sa merkado.
Paniwala ng grupong Bantay-Bigas, ang umiiral na Rice Tariffication Law ang balakid sa pagbaba ng presyo ng pangunahing pagkain sa hapag-kainan ng pamilyang PIlipino.
Katunayan anila, tumaas na naman ng P4.00 ang kada kilo sa presyo ng bigas sa mga pamilihan bayan sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region (NCR) at mga karatig lalawigan sa kabila pa ng panahon ng anihan.
Ayon kay Cathy Estavillo na tumatayong tagapagsalita tagapagsalita ng grupo, hindi nararamdaman ang epekto ng batas dahil wala naman aniyang ginagawa ang mga taong gobyerno – partikular sa mga ahensyang may mandato sa agrikultura at kalakalan.
Wala na rin aniyang makunan ng murang supply ng bigas ang National Food Authority (NFA).
Gayunpaman, iba ang posisyon ng Pangulo.
Sa paglulunsad ng Kadiwa sa Camarines Sur, hayagang sinabi ni Marcos na malapit ng bumaba sa antas na P20 kada kilo ang bigas sa mga pamilihan.
Bukod aniya sa bigas, kabilang rin sa pinagtutuunan ng gobyerno ang ibaba ang presyo ng sibuyas na labis ang pagtaas noong mga nakalipas na buwan.