BUKOD sa manipis na hanay ng mga guro at nars, nahaharap na rin ang bansa sa kapos na bilang ng mga accountant, batay sa datos na nagpapakita ng patuloy na pagbaba ng mga estudyanteng kumukuha ng kursong accountancy sa mga kolehisyo at pamantasan.
Sa kalatas ng Philippine Institute of Certified Public Accountants (PICPA), lubhang ikinabahala ng grupo ang mabilis na pagkaubos ng mga accountant sa nakalipas na limang taon.
Sa datos ng PICPA, meron lamang 199,000 Certified Public Accounts (CPA) ang Pilipinas sa na 100 taon.
“That’s a big problem now of the profession because several of the CPAs here in the Philippines are migrating abroad, or they are working online for foreign companies,” ayon kay PICPA national president Erwin Alcala.
“So talent management is a big challenge for most of the auditing firms and even the private entities or even the government. We have a shortage of certified public accountants,” dagdag pa niya.
Sinisi naman ni Alcala ang pagsadsad ng bilang ng mga accountants sa K-12 education system.
Aniya, bumaba ng halos 50% ang nag-enrol sa kursong accountancy mula nang sumipa ang K-to-12 program – gayundin ang bilang ng mga kumukuha ng CPA licensure examination.
Gayunpaman, tumaas naman sa 25% ang bilang ng mga pumasa sa mga accounting licensure examinations sa nakalipas na limang taon.
Panawagan ng PICPA sa Department of Education (DepEd), suportahan ang kampanya ng grupo para mahikayat ang mga estudyanteng Pinoy na pasukin ang kursong accountancy at maging yaong may kinalaman sa finance, central banking, public audit, at iba pa.
“There are a lot of opportunities for CPAs in the Philippines. It’s just a matter of finding them where these opportunities are. They are even better than overseas opportunities.”