KASABAY ng inaasahang pagpasok ng panahon ng summer season sa susunod na linggo, nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko – ibayong ingat sa mga sakit na dulot ng tag-init.
Sa kalatas ng DOH, tiniyak ng ahensya na sumipa na ang paghahanda ng iba’t ibang tanggapan sa ilalim ng nasabing kagawaran para sa agarang tugon sa mga tawag ng saklolo kaugnay ng mga sakit na karaniwang nararanasan sa panahon,ng tag-init.
Paalala pa ng DOH, mag-ingat sa mga pagkain na anila’y karaniwang madaling mapanis dahil sa matinding init ng panahon. Anila, panis na pagkain ang isa sa kadalasang dahilan ng food poisoning.
Sa pagtaya ng mga dalubhasa, inaasahan ang pagtatapos ng malamig na hanging amihan sa susunod na linggo, na hudyat naman ng pagpasok ng tag-init.
Bukod sa food poisoning, nagbabala rin ang DOH laban sa heat stroke, dehydration, sakit sa balat at iba pa.