LIBU-LIBONG metriko tonelada ng sibuyas na pula at dilaw ang nakatakdang angkatin ng Pilipinas upang matiyak na sapat ang supply ng produkto para sa nalalapit na Kapaskuhan, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Ayon sa DA, maglalabas sila ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearance (SPSIC) para sa pag-aangkat ng sariwang sibuyas sa pamamagitan ng Bureau of Plant Industry (BPI).
“The volume to be imported for fresh red onion is 17,000 MT and for fresh yellow onion is 4,000 MT which will be sourced from China, India, and Netherlands,” ayon sa DA.
Dagdag pa ng kagawaran na ang mga inangkat na sibuyas ay darating sa bansa bago ang Disyembre 31, 2023. Ang nasabing deadline ay itinakda alinsunod sa panahong hindi ito sasabay sa darating na ani.
Ang itinakdang dami ng importasyon para sa parehong pula at dilaw na sibuyas ay nakabatay sa per capita consumption ng bansa at magsisilbing buffer para patatagin ang mga presyo sa merkado bago ang peak harvest ng lokal na ani sa Marso hanggang Abril 2024, ayon sa ahensiya.