SINABI ng Bureau of Immigration (BI) na mahigit sa 400 foreign nationals ang nakatakdang i-blacklist matapos matuklasang pinitisyon ng mga pekeng kompanya.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang hakbang ay kampanya ng ahensiya para paalisin ang mga illegal alien sa bansa, partikular ang mga gumagamit ng pekeng dokumento para magkaroon ng visa.
Idinagdag pa ni Tansingco na tatlong audit report mula sa Verification and Compliance Division (VCD) ang napatunayang nasa 459 aliens ang gumagamit ng pekeng kompanya sa kanilang aplikasyon.
“These foreign nationals’ applications were processed using the services of accredited entities, authorized to apply in behalf of the foreign nationals,” sabi ni Tansingco.
“However, through our audits, we discovered that the companies that petitioned them are spurious,” dagdag pa ni Tansingco.
Nasa 79 accredited liaison officers ang nahaharap sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa pakikipagsabwatan sa raket.
Apat na BI lawyers ang iniimbestigahan na rin dahil sa modus.
Noong nakaraang linggo natuklasan ang modus dahilan upang magsagawa agad ng masusing imbestigasyon.
Hiniling na rin ni Tansingco ang tulong ng Department of Justice, katulong ang NBI upang lutasin ang iligalidad.
Kakanselahin na rin ang visa ng mga dayuhan ang mga nakapasok na sa bansa ay paaalisin at ilalagay sa listahan ng blacklisted.
“We are after aliens who falsify or misuse documents,” ayon pa sa BI chief. “Our drive against illegal aliens remain relentless, and we will continue to run after those who coddle such violators,” dagdag pa ni Tansingco.