MAY sapat na supply ng bigas ang Pilipinas hanggang sa susunod na anihan.
Ito ang paniniyak ng Department of Agriculture (DA) dahil inaasahan ang mga tatlong buwang halaga ng national rice stock inventory sa katapusan ng Disyembre bilang karagdagan sa supply ng bigas na makukuha sa ibang bansa.
“At the end we’re expecting mga (around) 85 to 90 days national stock inventory by end of December which is enough na ma-itawid natin hanggang sa susunod na (to last until) harvest season come March or April,” ani DA Assistant Secretary Arnel De Mesa sa isang forum sa Quezon City.
“Siyempre mayroon din namang import na dumarating kasi liberalized naman iyong importation natin. Based on historical data, may dumarating din na imports additional during the first quarter,” aniya pa.
Sinabi ni De Mesa na inaasahan ng DA ang hindi bababa sa 20 milyong metriko tonelada (MT) bago matapos ang taon.
Umabot sa 3.03 milyong MT ang import ng bansa noong Nobyembre, mas mababa kumpara sa 3.5 milyong MT noong nakaraang taon para sa parehong panahon.
“Last year ang kabuuan is 3.8 [MT]. We’re expecting this year mga 3.2, 3.3 million metric tons wala pa iyong Indian rice. So, kumbaga, magkaroon lang ng kaunting diprensiya, so plus matatag naman iyong ating production,” dagdag pa ni De Mesa.
Hinihintay ng DA ang paghahatid ng 95,000 MT ng Indian rice mula sa 295,000 MT na sinigurado ng gobyerno.