
Ni Lily Reyes
PARA kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos, napapanahon na para tuldukan ang nakagawiang sibakan sa hanay ng mga kawani ng barangay sa tuwing may uupong bagong kapitan.
Kasabay nito, tiniyak ni Abalos na gagawan ng paraan ng DILG na magkaroon ng sistemang magbibigay-daan para magkaroon ng regular na empleyado sa mga barangay – bagay na aniyang garantiya ng tuloy-tuloy na serbisyo kahit pa magpasalin-salin ang liderato.
Sa kanyang talumpati sa Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) 2023, inihayag ng Kalihim ang suporta ng DILG sa panukalang batas na nagsusulong ng insentibong kalakip ng “Magna Carta for Barangays.”
“Kayo ang pinakamagaling sa buong bansa. And what if bukas palitan kayo bigla? Ito ay napaka posible sa ilalim ng kasalukuyang sistema. Kaya ang aming proposal ay magkaroon ng regular employees sa mga barangay para may continuity of service,” ani Abalos.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang mga manggagawa sa barangay, kabilang ang lupon ay maaaring makatanggap ng buwanang honorarium.
Plano din ni Abalos na makipag-ugnayan sa ilang mga unibersidad upang sanayin ang mga miyembro ng Lupong Tagapamayapa sa pagsasaayos ng alitan at hindi pagkakaunawaan sa nasasakupang komunidad.
Samantala, pinuri rin naman ng DILG chief ang ilang LTIA 2023 winners dahil sa P4-bilyong natipid ng pamahalaan bunsod ng ipinamalas na husay ng mga lupon sa pagresolba ng aberya sa pamayanan.
Bukod sa lupon, kabilang rin sa aniya’y dapat maging regular ang mga barangay health workers (BHW), barangay nutrition scholars (BNS) and mga tanod.
Sa simula ng termino ng mga bagong kapitan, nasa 80,000 BHWs ang sinibak ng bagong pamunuan ng iba’t ibang pamayanan.
Bagamat aminado si Abalos na pasok sa kapangyarihan ng mga barangay chairman, naglabas ng isang circular ang kanyang tanggapan na humihikayat na panatilihin ang mga BHWs at iba pang kwalipikado at may kakayahan magbigay ng mataas na antas ng serbisyo sa mga tao.