
SA kabila ng masaganang supply sa bisa ng kabi-kabilang pag-angkat na may basbas ng gobyerno, nananatiling kontrolado ng kartel ang presyo ng asukal, sibuyas at ibang produktong agrikultura sa mga pamilihan, ayon kay Senador Risa Hontiveros.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Agriculture and Food, kinastigo ni Hontiveros ang gobyernong aniya’y bigong makontrol ang presyo ng asukal sa lokal na merkado kahit pa wala naman aniyang kakulangan sa supply.
Paliwanag ni Hontiveros, hindi nagawang pababain ng Sugar Order no. 6 na iginawad sa tatlong kumpanya (taliwas sa 10 hanggang 30 importers na lumabas sa ulat) ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ang presyo ng asukal sa merkado.
Katunayan aniya, sa halip na bumaba sumipa pa ang halaga kada kilo ng asukal sa mga pamilihan.
“This is cartel behavior. Common sense, if there is more than enough supply, the price of sugar should have dropped. But why is the price of sugar still high?” pasaring pa ng militanteng mambabatas.
Mungkahi ni Hontiveros, pansamantalang pahintulutan ang industrial sugar users na umangkat ng kanilang pangangailangan.
“For a short term, I think, while supplies are limited, the government should heed the call of those in the industrial sugar industry to be able to directly import sugar,” aniya pa.
“But for the medium and longer term, the government should support the development of the local sugar industry and local sugar producers,” pahabol ni Hontiveros.