
ASAHAN ang pasumpong-sumpong na daloy ng tubig sa mga kabahayan at establisimyento sa National Capital Region at karatig lalawigan ng Cavite, ayon sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Pag-amin ng MWSS, nakaamba ang limitadong supply sa Metro Manila at Cavite dahil kontaminado ng mga nakakalasong polusyon ang isa mga pinagkukunan ng tubig – ang Laguna de Bay.
Ayon kay Engr. Patrick Dizon na tumatayong MWSS site division management chief, kabilang sa mga problema ang mabilis na pagkapal ng lumot sa lawa – bukod pa sa polusyon mula sa mga kabahayan sa dalampasigan ng mga anyong-tubig na dumadaloy patungo sa Laguna de Bay.
“Ang problema natin ngayon… ay talagang hindi maganda ‘yung water quality kasi doon ang tapon ng mostly mga kabahayan sa lakeshore at ang effect nito ang turbidity o lumalabo na tubig,” ani Dizon.
“Ang effect din noon ay eutrophication, sa madaling salita, ito yung mga lumot na nabubuhay sa tubig. Ito ay nagka-climb sa water treatment natin,” dagdag pa niya.
Nang tanungin kung saan nagmula ang malaking bahagi ng polusyon sa lawa, hayagang itinuro ni Dizon ang mga lungsod sa kanlurang bahagi ng Metro Manila.
“Yung water quality kasi talaga… nandoon kasi yung tapon ng waste water from the west part ng Metro Manila… Nag-aaccumulate yung maduming tubig sa Muntinlupa eh nandoon ang water treatment facilities.”
The engineer added that their counterparts in Singapore will arrive in Manila next week to look into the clogging, and to help them improve their technology and operations.
Pinawi naman ng opisyal ang agam-agam ng mga residente ng Metro Manila sa di umano’y pagdaragdag ng dalawang water treatment facility sa mga lalawigan ng Rizal at Laguna.
Nasa 10% ng supply ng tubig para sa Metro Manila ang kinukuha sa Laguna de Bay.