LAGLAG sa talaan ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) ang nasa 117 operatiba bilang bahagi ng patuloy na ‘pagwawalis ng anay’ sa hanay, ayon sa pamunuan ng pambansang pulisya.
Sa panayam kay PDEG director Police Brig. General Faro Olaguera, umakyat na sa 117 ang kabuuang bilang ng mga inalis sa kani-kanilang pwesto sa ilalim ng sangay na pinamumunuan.
“This is an ongoing na ginagawa natin as part of the internal cleansing natin. Gusto kasi natin na sabi ko nga walang bahid, walang mantsa yung maiiwan dito sa PDEG,” paliwanag ni Olaguera kasabay ng pahiwatig na hindi pa tapos ang ginagawang pagsala sa hanay ng kanilang mga operatiba.
“So kailangan natin linisin ang hanay as far as we can para in the way ahead, ay sa akin lang on a personal note, kung maaari wala na kontrobersyang susunod kasi alam niyo naman yung nangyari… nakakalungkot, nakakaligalig lalo na sa uniformed personnel na naghahanap ng kasagutan.”
Aniya, mahigit 1,000 tauhan sa ilalim ng PDEG ang nakasalang sa tinawag niyang ‘refresher course.’
Nakatakda naman punan ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ng mga tauhan mula sa PNP Special Action Force ang inaasahang kakulangan sa operatiba kontra droga.
“Sa akin naman, personally, napakaganda ‘yun kasi nga alam niyo naman ‘yung reputation ng SAF. Napakagandang direction ‘yun, way ahead sa PDEG na magkakaroon ng SAF troopers dito,” aniya.
Samantala, tumanggi ang PNP na pangalanan ang mga tinanggal na operatiba sa PDEG.