SA hangarin pangalagaan ang karagatan, agad na ikinasa ng Philippine Coast Guard – Marine Environmental Protection Group (PCG-MEPG) ang operasyon linis-dagat matapos tumagas ang kargang langis at krudo ng isang barko sa bayan ng Mabini, lalawigan ng Batangas.
Sa paunang ulat ng lupon ng bantay-dagat, dakong alas 8:00 Miyerkules ng gabi nang salpukin ng malakas na alon hanggang sa tumagilid at tuluyang lumubog ang barkong MT Strong Bravery na may lulang 5,000 litro ng krudo.
Ayon kay PCG-MEPG chief Captain Victorino Acosta, patuloy ang isinasagawang oil spill clean-up operation sa krudo at langis na kumalat sa lawak na 300 metro kwadrado.
Walang naman iniulat na nasaktan sa naurang insidente.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala ang lokal na pamahalaan ng San Juan sa posibleng epekto ng tumagas na krudo at langis sa karagatang kung saan nakasandig ang kabuhayan ng mga mangingisda at maging ang sektor ng turismo.
Ani Municipal Environment and Natural Resources Officer chief Noel Pasco, lubhang mahalagang protektahan ang kanilang karagatang kilala sa malusog na “ecosystem.”
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Marine Oil Pollution Law at iba pang umiiral na batas sa kalikasan ang kapitan at may-ari ng MT Strong Bravery. (KOI HIPOLITO)