
SA halip na matuwa, tila nairita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa alok na special power ni House Ways and Means Committee chairman Joey Salceda para di umano sa mas mabilis na pagtugon ng pamahalaan laban sa mataas na inflation rate sa bansa.
“I do not think that it is necessary to ask for special powers. If we declare, for example, if we declare… I already have the power to declare an emergency and to control the prices of commodities. So I don’t think there’s any need for more than that. That is efficient,” wika ni Marcos sa panayam sa mga peryodista.
Bago pa man tinabla ang mungkahing special power ni Salceda, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Senior Assistant Governor for the Monetary Policy Sub-sector Iluminada Sicat na mananatiling mataas ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero.
Sa pagtataya ng BSP, posibleng pumalo sa 9.3% ang inflation rate para sa nakalipas na buwan – higit na mataas kumpara sa 8.7% na naitala noong Enero ng kasalukuyang taon.
Sa Kamara, nanawagan si Salceda sa mga kapwa kongresista na suportahan ang House Bill 2227 (Bangon Bayan Muli Act) na kanyang inihain sa plenaryo ng Kamara noong nakalipas taon.
“I stand by my bill granting special powers for the President to curtail inflation. This has long been my call — and it is especially more urgent now that the causes of inflation are more evidently structural,” ani Salceda.
Paniwala ni Salceda, matutugunan ng Pangulo gamit ang special power ang kabi-kabilang pagtaas sa presyo at maging sa aspeto ng supply ng produktong petrolyo at mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilihan.
Bukod sa kapangyarihan kumastigo sa mga mapagsamantalang negosyante, kalakip rin ng isinusulong na panukala ni Salceda ang insentibo para naman sa sektor ng agrikultura.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Pangulo na magbigay ng loan at government guarantee sa mga supplies ng mga produkto at ang tinatawag na anti-price gouging power.
Bibigyan din si Marcos ng transport emergency power para maresolba ang problema sa transportasyon, at gamitin ang uniformed personnel tulad ng sundalo para mapabilis ang priority infrastructure projects ng pamahalaan.