PARA sa isang kongresistang kaalyado ng administrasyon, special power lang ang kailangan ng Pangulo para mabigyan-solusyon ang patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin na kaakibat ng paglobo ng inflation rate sa bansa.
Panawagan ni House Committee on Ways and Means chairman Rep. Joey Salceda sa mga kapwa kongresista, suportahan ang House Bill 2227 (Bangon Bayan Muli Act) na kanyang inihain sa plenaryo ng Kamara noong nakalipas taon, sa hangarin pabilisin ang aksyon kontra sa inflation rate.
Sa pagtataya ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla, maglalaro sa 8.5 hanggang 9.3% ang inflation rate para sa buwan ng Pebrero – higit na mataas kumpara sa 8.7% na naitala noong Enero.
“I stand by my bill granting special powers for the President to curtail inflation. This has long been my call — and it is especially more urgent now that the causes of inflation are more evidently structural,” ani Salceda.
Paniwala ni Salceda, matutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamit ang special power ang kabi-kabilang pagtaas sa presyo at maging sa aspeto ng supply ng produktong petrolyo at mga pangunahing pangangailangan sa mga pamilihan.
“The economic managers themselves have stated that we have more or less exhausted what monetary policy can do to reduce prices. The causes are now mostly structural – so the solutions should also be,” paliwanag pa ni Salceda.
Bukod sa kapangyarihan kumastigo sa mga mapagsamantalang negosyante, kalakip rin ng isinusulong na panukala ni Salceda ang insentibo para naman sa sektor ng agrikultura.
Magkakaroon din ng kapangyarihan ang Pangulo na magbigay ng loan at government guarantee sa mga supplies ng mga produkto at ang tinatawag na anti-price gouging power.
Bibigyan din si Marcos ng transport emergency power para maresolba ang problema sa transportasyon, at gamitin ang uniformed personnel tulad ng sundalo para mapabilis ang priority infrastructure projects ng pamahalaan.