
KUMBINSIDO ang Philippine Coast Guard na may itinalagang espiya ang bansang China para bantayan at magbato ng impormasyon hinggil sa paglalayag ng sasakyang-dagat ng gobyerno sa West Philippine Sea.
Sa isang panayam sa radyo, partikular na tinukoy ni PCG spokesperson Jay Tarriela ang paglalayag ng Philippine resupply mission na aniya’y sadyang inabangan at pinaghandaan at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard.
Katunayan aniya, may mga patunay ang PCG na nagkumpol-kumpol ang anim na barko ng China isang araw bago ang takdang araw ng paglalayag ng Philippine resupply mission na inatasang maghatid ng pagkain, gamot at iba pang pangangailangan ng mga sundalong nakadestino sa nakasadsad na BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na sakop ng lalawigan ng Palawan.
Kinastigo rin ni Tarriela ang pahayag ng Chinese Coast Guard na nagsabing hindi pinuntirya ang sasakyang-dagat na may lulang pagkain, gamot at iba pang supplies na dadalhin sa BRP Sierra Madre.
“Yung video natin na binobomba tayo ng tubig ay edited daw kasi nagpalabas ng video ang China na hindi tinatamaan yung resupply ships. Di ba? Kung ikaw ay Pilipino bakit mo naman paniniwalaan yung video na linabas ng China? Yan pa yung ipapakalat mo sa mga tao,” ai Tarriela.
Ayon pa sa tagapagsalita ng bantay-dagat, nagmula pa sa ibang islang binabantayan ng China ang mga barkong nag-abang sa resupply mission.
“What we can see from here – ‘yung resupply mission, talagang pinaghandaan nila yan para i-block. There is already a motive by the Chinese government to really block our resupply mission. That’s why it is not true na pinayagan lang nila na may isang supply boat na makapasok diyan. Nagkataon lang na natalo sila sa patintero nung isang boat na ‘yun kaya nakalusot.”
“Hindi naman sa nagtitimbre. Baka nagkataon lang na meron silang intel on the ground, baka may informant kaya nalalaman nila ang movement ng ating resupply operations,” dagdag pa niya.
Una nang sinopla ng Palasyo ang panawagan ng China na tanggalin ang BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na may layong 200 kilometro mula sa Palawan at 1,000 kilometro mula sa Hainan Island ng China.
“We will never abandon Ayungin Shoal. We are committed to Ayungin Shoal,” pahayag ni National Security Council assistant director general Jonathan Malaya.