Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
KARAPATAN ng mga manggagawa ang mag-organisa ng unyon, giit ng isang kongresista kasabay ng panawagan sa mga kapwa mambabatas na talupan ang aniya’y labor malpractice ng isang sikat na e-commerce platform.
Partikular na tinukoy ni partylist Rep. Lex Colada ng grupong Asosasyon Sang Mangunguma Nga Bisaya-Owa Mangunguma (AAMBIS-Owa) ang multinational e-commerce giant na Shopee Pte. Ltd. sa di umano’y polisiyang nagbabawal sa mga empleyado magtayo ng labor union.
Ayon kay Colada, nagawa ng Shopee na takasan ang labor issue sa direktang hindi pagpapairal ng employer-employee relationship sa mga truck driver sa nakalipas ng dalawang taon.
Para kay Colada, hindi patas sa daan-daang truck drivers na nabibilad sa arawan maihatid lamang ang bulto-bultong mga kagamitan na binili sa Shopee platform.
Naunang naghain ng petisyon ang mahigit 257 truck drivers na nakabase sa Shopee Parañaque hub para sa direct certification election, sa layuning magkaroon ng collective bargaining.
Nais ng mga truck driver na magtayo ng unyon sa hangaring protektahan ang kanilang karapatan sa paggawa sa paraan ng tamang pasahod at oras ng trabaho alinsunod sa umiiral na labor code.
Sa kasamaang-palad, pinigilan ng Shopee management ang pag-buo ng unyon ng mga truck drivers. Katwiran ng Shopee, hindi naman umano direct employees ang mga truck drivers. Giit ng giant e-commerce company, ang SPX truck drivers ay mga empleyado ng 22 contractors at sub-contractors.
“It should be Shopee that must be up to the task of promoting the truck workers’ welfare and respecting their right to form a union, under our country’s labor laws. Not even a foreign firm can evade this responsibility,” giit ni Colada.
Sinabi ng AAMBIS-Owa partylist solon na sa kabila ng naitalang $22.9 billion na kita ng itinuturing na number one e-commerce platform sa bansa, tila walang pakialam ang nasabing kumpanya sa mga trabahador.
“As the top online marketplace here, it is also high time for Shopee to lead the way in upholding labor rights. Its Filipino workforce deserves fair treatment and compensation,” aniya pa.
Sa gagawing Congressional inquiry laban sa Shopee, nais ni Colada na maisalang sa paggisa ng mga kongresista si Frederic Chiong na chairman ng Shopee Philippines at siyang may hawak ng 60-percent stake sa logistics affiliate SPX Express Philippines o mas kilala bilang Shopee Express. Ang dalawang kumpanya ay parehong subsidiaries ng Shopee’s parent-firm, ang Sea Group of Singapore.
