Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
PIHADONG mas magiging ‘foreign investment friendly’ ang Pilipinas sa sandaling magtagumpay ang isinusulong na amyenda sa economic provisions ng 1987 Philippine Constitution.
Ito ang inihayag ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin bilang reaksyon sa inilabas na 2024 Global Opportunity Index (GOI) report ng Milken Institute kung saan ang bansa ay nasa pang-91 sa kabuuang 130 bansa pagdating sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ayon kay Iloilo lady lawmaker, malinaw ang mensahe ng naturang GOI report, nagsisilbing hadlang sa pagpasok ng mga foreign investors ang nakikitang problema sa 1987 Constitution.
Isa umano sa isinasaalang-alang ng mga dayuhang mamumuhunan sa pagpapasya sa paglalagak ng kapital sa Pilipinas ay ang land ownership, na mahigpit na ipinagbabawal sa umiiral na Saligang Batas.
“So, kung ikaw ay investor na inutang mo ang bilyong-bilyong capital, kunyari sabihin na natin, kuryente, tubig or internet connectivity. Eh kung ang paglalagyan mo ng iyong power plant, may that be renewable energy or not, kung iyong lupa hindi sa iyo, ano ang mangyayari duon sa investment mo?” ani Garin.
“So talagang tama ang sinasabi ninyo and we have to do that now because napag-iiwanan na tayo. Naiwan na nga tayo, humahabol na nga lang tayo, pipilayin mo pa. So pag pinilay natin iyong mga paa ng Pilipinas na nagtatangkang humabol ay talagang wala tayong patutunguhan,” dagdag pa niya.
Samantala, mahigpit na pinuna ni Garin ang resulta ng Pulse Asia survey na nagsasabing malaking bilang umano ng mga Pilipino ang hindi pabor na magsagawa ng pagbabago sa 1987 Constitution.
“We go back to the Pulse Asia Survey, so that question should have been crafted in such a way na – alam nyo bang ayaw ng mga negosyanteng pumasok dahil may hadlang sa Constitution?,” giit ni Garin.
“Pag sinabi nilang hindi nila alam, then we have to educate the people,” pahabol ng ranking lady House official.
