
HINDI pa man nag-iinit sa pwesto, agad na nagdeklara ng malawakang digmaan kontra kriminalidad ang bagong talagang hepe ng pambansang pulisya.
Gayunpaman, nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na hindi bahagi ng giyera kontra salot ng lipunan ang patayan, kasabay ng pagsusulong ng disiplina at propesyonalismo sa hanay ng mga unipormado.
“Arrests must be carried out with utmost regard for human life — unless police lives are clearly endangered,” wika ni Torre.
Sa isang banda, tama lang naman ang tinuran ni Torre. Hindi dapat maging madugo ang operasyon ng pulisya laban sa kriminalidad. Karapatan ng bawat suspek ang tinatawag na due process, at ito mismo ang dahilan kung bakit mayroon tayong mga hukuman.
Higit na angkop kung sa kulungan dalhin ang mga arestado habang dinidinig ng husgado ang kaso —- hindi sa mga himlayan o sementeryo.
Bukod sa respeto sa karapatang pantao, kabilang rin sa mga inilatag na prayoridad ni Torre ang agarang tugon ng mga pulis sa tawag ng saklolo sa bisa ng Hotline 911 — limang minuto, dapat nasa crime scene na ang mga pulis.
But wait, there’s more. Pagkatapos ng tatlong buwan, gagawing tatlong minuto na lang ang oras para makaresponde ang mga pulis.
Sa kumpas ni Torre, hindi na rin uubra ang paggamit ng padrino para tumaas ang ranggo, kasabay ng babala laban sa mga pulis na sagana lang sa yabang at bulakbol.
Pero parang may kulang. Dapat yata sampolan muna ni Gen. Torre ang ilang tiwaling kabaro — mga patong sa sugalan, protektor ng mga sindikato sa likod ng iligal na kalakalan ng droga, mga abusado at iba pang tatak-bulilyaso.
Sa ngayon, mag-abang muna tayo sa mga susunod na yugto. Baka kasi tulad lang din siya ng iba… puro wento, walang wenta!
Gayunpaman, isa lang ang sigurado — may yagbols si Torre.