NI HERNAN MELENCIO
LALABAS mula sa kani-kanilang tahanan ang mga Kano sa darating na Martes para iboto ang susunod na presidente ng nag-iisang hegemonic power o imperyalista sa mundo, at hindi mapakali ang sanlibutan.
Oo, hindi mapakali ang lahat dahil ayon sa mga nagsusuri, halos patas ang tsansa – neck-and-neck, ika nga – ng dalawang magkatunggali: si Donald Trump ng Republican Party at Kamala Harris ng Democratic Party. Kung tatanungin mo ang mga tagasuporta nila, syempre sasabihin nilang lamang ang manok nila.
Eh ano naman ang pakialam natin sa eleksyon sa Tate, gayong meron tayong sariling mga problema sa bansang ito?
Bweno, tingnan muna natin ang katangian ng dalawang kandidato.
Si Trump eh walang pinagkaiba kay Digong na walang preno ang bunganga. Sasabihin niya kung ano ang pumasok sa isip kahit walang saysay at puro kabastusan. Pareho rin silang kriminal. Nahatulan na nga lang si Trump sa maraming kaso, samantalang si Digong ay haharap pa lang sa ICC. Kakatwang pareho silang nanalo sa eleksyon noong 2016 at naging sanggang dikit sa apat na taong pagka presidente ni Trump sa US. Lagi silang nagtatawagan sa telepono at nagpapahayag ng walang hanggang papuri sa isa’t isa. Kaya, kung hindi man isuka si Trump ng mga Kano, gusto siyang isuka ng maraming Pinoy sa simpleng pagkakatulad lang niya kay Digong.
Si Kamala Harris naman nag-astang maka-mahirap at demokratiko pero nangangakong wala siyang babaguhin sa mga ginawa at ginagawa pa ni Joe “Genocide Joe” Biden. Kaya, ika nga sa Ingles, the Americans can expect more of the same. Dapat silang makuntento kung ano meron sila ngayon. Pero kung mananalo, magiging kauna-unahan siyang babaeng Itim na magiging presidente ng US at may mga umaasang may magagawa siyang kakaiba sa mga nauna sa kanya.
Ang interes naman natin bilang Pinoy at walang papel sa eleksyon sa ‘Merika ay ang ipatutupad na panlabas na patakaran ng sinumang papalit na presidente. Sa ayaw natin at sa gusto, maapektuhan tayo ng foreign policy ng US, dahil di nga ba “kaibigan” natin ito at sunud-sunuran si Dayunyor sa lahat ng gusto nito?
Para sa marami, merong taya ang mga Pinoy sa eleksyon sa US. Ang kaso lang, wala namang pagpipilian sa dalawang tumatakbo. Para lang silang MacChicken at Chickenjoy na walang pinagkaiba. Kalokohan lang ang “lesser evil” dahil pareho silang evil. Pareho nilang ipagpapatuloy ang maramihang pagpatay sa Gaza, West Bank at Lebanon. Daan-daang sibilyan ang pinapatay ngayon sa mga lugar na iyon habang sinusulat ito.
Sinasabing mas malala ang gagawin ni Trump sa West Asia (Middle East) pag nanalo, pero sa kaninong administrasyon ba pumutok ang genocide at sino ang patuloy na nag-aarmas, nagbibigay ng bilyon-bilyong dolyar at kumakandili sa teroristang Israel? Pareho silang demonyo at walang itulak-sipain sa kanila.
Bagama’t merong alternatibo, gaya ni Jill Stein ng Green Party, na tumatakbo ring presidente, alam ng lahat walang pag-asang manalo ang mga aktibistang kandidato. Ganyan ang karanasan ng mga nag-ambisyong kumandidato sa labas ng Republican at Democratic parties gaya ni Ralph Nader, Bernie Sanders at iba pa.
Hindi pinapayagan ng mga bilyunaryong indibidwal at korporasyon, na may tunay na kontrol sa pulitika ng US, na manalo ang mga aktibistang kandidato. Legal ang paghingi at pagtanggap ng pera ng mga pulitiko sa US mula sa mga lobby group, lokal at dayuhan, at walang kahihiyan nilang ipinagtatanggol at isinusulong ang interes ng mga ito sa Kongreso.
Saksi tayo, na sa maniobra ng American Israel Public Affairs Committee (AIPAC), inimbitahan ng US Congress si Benyamin Netanyahu, punong ministro ng Israel, isang dayuhang estato, na magsalita sa harap nila at ginantimpalaan ito ng 50 standing ovations. Nagtatalon silang parang matsing sa bawat kasinungalingan binitawan ng mama.
Saksi tayo sa pagpapahiya ni Netanyahu kay Genocide Joe Biden sa di pagsunod sa mga hiling nito, gaya ng pagpapadala ng pagkain at tulong sa mga biktima ng “giyera” sa Gaza, hindi paglusob sa Rafah, hindi pagbabawal sa UN Relief and Works Agency (UNRWA), at marami pang iba. Malakas ang loob ni Netanyahu na sampal-sampalin si Biden sa publiko dahil hawak ito sa leeg ng AIPAC at hindi nito magagawang putulin ang suportang armas, pera at diplomasya sa Israel. May pagsusuri ring kunya-kunyarian lang ang ipinakikitang pag-awat ni Biden sa kalabisan ng teroristang Israel pero magkakampi sila sa tunay na buhay. Kumbaga, “Gawin mo ang gusto mo, kumbala sa ‘yo!”
Kaya naniniwala akong masamang tao ang sinumang mananalo sa eleksyon sa US at hindi matatapos ang araw-araw na pagpatay sa mga sibilyan sa West Asia hanggat walang umaawat sa rehimeng US-Israel. Hindi ko pipigilin ang hininga ko sa eleksyong ito.
