MALAKING kahangalan kung ang mga propagandista ng Malakanyang ay naniniwala pa rin sa kanilang pambobola at nililinlang pa rin ang mga mamamayan na napababa ni Marcos Jr. ang utang ng bansa.
Para bagang mga asong tahol nang tahol dahil sa diumano’y 16% pagbaba ng utang ng bansa noong 2022, na ang ibig palabasin ay si Marcos Jr. ang nagpababa ng utang matapos na waldasin nila Duterte and kabangbayan.
Ang batayan ay kataka-taka sapagkat taun-taon ay ginagamit ng gobyerno ang remittances ng OFWs upang bayaran ang utang sa unang quarter ng taon.
Galing sa dugo, pawis at luha ng OFWs ang ginastos at hindi galing sa pagtitipid ng pamahalaan o sa pagtaas ng revenues mula sa buwis.
Tandaan, withholding taxes and gulugod ng tax system natin at diyan nagmumula ang 70% ng kita ng pamahalaan.
Ang taripa mula sa Bureau of Customs (BOC) ay di pa aabot sa 30% ng revenues ng rehimen.
Papalakpak ang buong bansa kung sana’y nagbayad sila Ferdinand Marcos Jr. sampu ng kanyang ina at mga kapatid ng kanilang atrasong P203-bilyon sa estate tax at iyan ay nagamit upang pababain ang utang panlabas ng bansa. Subalit hindi nila ito ginawa.
Sa katunayan, tubog sa tanso ang rehimen.
Kaya upang huwag matanso at malamang ay makasuhan pa sa malao’t madali, ang puno ng Sugar Regulatory Administration (SRA) ay nagbitiw.
Paano mo nga naman palulusutin ang importasyon ng asukal na utos ng Palasyo dahil bago pa man naisulat ang sugar order ay dumating na ang kargamento.
Maging si Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban ay nagsabing ang authority niya ay mula kay Executive Secretary Lucas Bersamin na alter ego ni Marcos Jr.
Kung taga SRA ka nga naman, bakit uupo ka pa sa posisyon kung sila Marcos at Bersamin din naman pala ang magdedesisyon.
Sumalto na sila sa sugar order tungkol sa 300,000 metric ton sugar imports noong 2022, dadagdagan pa nila ngayon?
Mayroon bang malalaking interes na bumubulong sa Palasyo?
Una nang nambola ang Malakanyang sa diumano’y di-pagsali ng isang malaking grupo ng drivers sa nakaraang transport strike (sumama ang Piston sa welga) at ngayon nama’y may justification sila sa “import first, justify later” policy.
Sinasalba raw ng Palasyo ang mamamayan sa krisis sa asukal kaya angkat muna, approve later.
Bumaba ba ang presyo ng asukal? Hindi, kahit na pababahain nila ng puslit na asukal ang kanilang Kadiwa centers.
”Hindi matapos-tapos ang sugar scandal na ito dahil ang kartel ng asukal pinapatakbo kasabwat ang mga tiwaling opisyal ng DA, SRA at posibleng hanggang sa Malakanyang. Kailangan na malaman ng publiko ang puno’t-dulo ng iskandalong ito na yumayanig sa pamumuno ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa DA,” ayon kay Danilo Ramos, ang tagapangulo ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP).