
SA loob ng mahabang panahon, gumugugol ng husto ang gobyerno sa kampanya laban sa mga ilegal na pasugalan. Nagpalit-palit na ng liderato subalit nanatiling matibay ang mga sindikato – hanggang sa lumabas sa kani-kanilang lungga sina alyas Jack at Marcial ng lalawigan ng Rizal.
Pero teka… sino nga ba itong alyas Jack at Marcial ng Rizal?
Ayon sa mga impormasyong nakalap mula sa mga kasangga ng Promdi, sina Jack at Marcial ay masigasig na naglilibot sa iba’t ibang lokalidad ng lalawigan para tuntunin ang mga operator ng mga ilegal na pasugalan sa Rizal.
Hindi sila mga pulis pero ang kanilang pakilala – naatasang kolektor ng provincial at regional offices ng Criminal Investigation and Detection Unity (CIDG) at National Bureau of Investigation (NBI).
Kwento ng isang impormante, malupit ang kubransa nina Jack at Marcial sa mga ilegalistang sukdulang piliin na lang mag-ibang negosyo kesa nga naman ibigay ang kapritso ng dalawang damuho. Dangan naman daw kasi, halos lamunin na nina Jack at Marcial ang kita ng sindikato.
Wala akong masamang tinapay kina Jack at Marcial. Ang totoo, parang mas bagay pa nga silang gawing anti-gambling czar. Sa sobrang takaw nila, ang mga ilegalista – umaayaw na!
* * *
Usapang ilegal pa rin, kapuna-puna ang tibay sa pwesto ni Rizal Police Provincial Office Director Dominic Baccay.
Mantakin mong yung mga kasabayan niya, puro sibak na dahil sa laganap na operasyon ng mga ilegal na pasugalan sa kani-kanilang nasasakupan – pero siya hayahay lang sa pwesto.
Kamakailan lang, nalaglag din sa kani-kanilang trono sina Laguna provincial police chief Col. Glenn Silvio at maging ang hepe ng Batangas PNP na si Col. Samson Belmonte. Ang dahilan – talamak at garapalang operasyon ng sindikato sa likod ng jueteng, loteng pergalan at iba pang anyo ng sugal-lupa.
Pero si Baccay, talagang matibay!