SA halip na maging huwaran ng mga kabataan, hayagan ang kabalbalan ng isang alkalde ng isang bayan sa lalawigan ng Rizal. Dangan naman kasi, pati peryahan pinasok na rin sa hangaring makalikom ng pera para sa nalalapit na halalan.
Tawagin natin sa pangalang Alanis the Lion ang mayor na higit na kilala sa Rizal sa sandamakmak na kabalbalan sa loob at labas ng lokal na pamahalaan.
Sa kanyang bayan na matatagpuan sa baybaying bahagi ng Laguna de Bay, hindi lang isa ang kanyang peryahan na dinudumog ng mga kabataan — pero hindi para sa mga adrenaline rides tulad ng ferris wheel, caterpillar at iba pa.
Ang pakay ng mga kabataan – ang sugal lupa sa loob ng peryahan ni mayor. Pati mga obrerong bagong sahod, hilahod paglabas ng peryahan matapos mabudol ng mga kamador ng illegal na pasulagan. In short, ubos ang sahod.
Ang masaklap, naging tagpuan na rin ng mga drug pusher at parokyanong adik ang mga naturang peryahan na matatagpuan sa kahabaan ng national roads – isa malapit sa munisipyo at ang isa naman nasa hangganan ng Metro Manila. Doon nagaganap ang abutan ng pera at shabu at marijuana.
Pero ang mga pulis dedma lang sa garapalang abutan ng droga, color game, drop ball at iba pang larong may pustahan — kasi nga may pakinabang. Bukod sa lingguhang patong sa hepe at kay kapitan, gabi-gabi may nangangalabit, umoorbit ika nga.
Sino ba naman kasi ang nagtulak sa baklang mayor na yan na pasukin ang negosyong peryahan? Walang iba kundi ang tutal niyang si King Elefante!
Bulong mga kaibigan nating impormante, hindi lang si mayor ang may-ari ng dalawang peryahan sa kanyang nasasakupang bayan. Meron siyang pakner na kilala sa industriya ng perya – isang alyas Daisy Penson.
Si Penson ang nangapital habang si mayor naman ang protektor. Pero teka, hindi ba’t may peryanteng nakunan na ng pera si mayor? Bakit niya biglang ipinasa sa iba? Mas malaki siguro ang suhol.
At si Penson? Kilala yan sa sugal-lupa. Lahat yata ng ilegal na sugal meron yan, kaya nga labs yan ng kapulisan.
Pero teka, alam ba yan ni Rizal provincial police chief Col. Felipe Maraggun? Kung oo, bakit parang bulag ang pulis na sakay ng mobil sa tuwing magagawi sa malapit sa peryahan ni Daisy Penson?
Walang nga bang tikas ang lokal na pulisya sa padrino ni Daisy Penson? Dangan naman kasi, pinagmamalaki pang protektado daw siya ng kanyang kuya — isang nagngangalang Gen. Esquivel.
Aysus… kaya naman pala feeling untouchable.
Kung hindi kayang ipasara ng lokal na pulisya ang peryahang kanlungan ng bisyo sa lokalidad na kilalang sentro ng damitan, siguro naman pwede ko ibulong kay PNP chief Rommel Marbil na palitan na lang ang mga bata niyang inutil.
