Ni Johnny Magalona
HINDI na bago ang pera-perang usapan sa gobyerno. May mga garapal mandugas, mayroon din naman namomorsyento lang. Pero sa isang ahensya ng gobyerno, ibang klase ang mga dorobo.
Minsan na rin ko nangarap maging instant milyonaryo at ang nakita kong pinakamabilis na paraan ay ang pagtaya sa lotto – anim na numero lang, tapos ang problema ko.
Ganyan din marahil ang marami sa atin. Sa pagnanais kumawala sa kahirapan, nagbabakasakali sa lotto. Pag binuwenas ka, ang bente pesos mo tamang barko.
Ang problema, walang kasiguraduhan sa integridad ng bolahan. Maraming ulit na nga na-eskandalo ang Philippine Charity Sweepstakes Office sa paratang na dayaan sa pagbola ng mapalad na kombinasyon.
Noong panahon nasa ilalim ng pangangasiwa ni Manoling Morato ang PCSO unang sumingaw ang bulilyaso sa nasabing ahensya. Dito pumasok sa eksena ang National Bureau of Investigation (NBI) na noo’y pinamumunuan ni dating Manila Mayor Alfredo Lim.
Fast forward tayo. Si Lim ang tumama sa first, second at third prize ng sweepstakes. Tapos ang kwento.
Matapos ang ilang dekada, bumalik ang kontrobersiya. Sa pag-upo ni Ferdinand Marcos Jr. bilang Pangulo, iniluklok sa pwesto si Mel Robles bilang general manager ng PCSO.
Hindi pa man nagtatagal sa pwesto, naganap ang kagila-gilalas at kahindik-hindik na resulta ng 6/55 Grand Lotto kung saan 433 umano’y mananaya ang sabay-sabay na tumama sa anim na numerong nabunot para sa jackpot prize na mahigit P236 milyon.
Maging ang siyensya, nagulantang sa resulta ng pagbolang pinangasiwaan ng PCSO – isang ahensya sa ilalim ng Office of the President (OP).
Ayon sa mga dalubhasa sa larangan ng matematika, mas mataas ang posibilidad na dalawang ulit tamaan ng kidlat ang isang tao kesa tumama sa lintek na lotto na yan – eh di lalo pa kung sabay-sabay ang 433 katao!
Dahil sa kontrobersiya, natural nagpalamig ng konti… kaya sa pagsipa ng Enero umarangkada na naman ang mga dorobo sa ahensyang direkta sa bida sa Palasyo.
Bagamat si Marcos ang itinuturing na “commander-in-chief” ng bansa, tila iba bida sa Palasyo.
Ang siste, di naman yata si Marcos ang bida sa Palasyo. OP kundi ang kanyang kumander. Kaya ang kwento, sa kumander daw ni Marcos Jr., nag rereport si Robles.
Ano kaya ang pakay ni Robles sa Unang Ginang? Anong paksa ang kanilang pinag-usapan? Mahirap ang kwentahan sa hatian pag daang milyon ang usapan.
