SA gitna ng walang patumanggang pagtaas ng presyo ng bilihin, problema sa transportasyon, kawalan at kakulangan ng trabaho, katiwalian, at pagkakawatak-watak ng mga taong gustong magpahirap sa bayan, ito ang wari kong napagpulungan nina Dayunyor at mga amuyong niya sa Palasyo:
Amuyong 1: Alam ko na! Ipaalala natin ang dakilang panahon ng tatay mo, mahal na pangulo. Ibalik natin ang islogang Bagong Lipunan.
Amuyong 2: Masyado naman yatang halata ‘yan, mahal na amo. Bagong Pilipinas dapat.
Dayunyor: O sige. Luma na nga naman ang Bagong Lipunan. Kelangan natin ng bagong islogang lulutas sa problema ng Pilipinas. Eh pano ba ‘to maiiba?
Amuyong 3: Sisihin natin yung mga tamad na taong nasa laylayan ng gobyerno, mahal na hari, este, pangulo. Sila ang madaling makita at kinaaasaran ng mga tao. Sila ang puno’t dulo ng lahat ng problema ng masa.
Dayunyor: Sige. Magpatawag kayo ng rali at papuntahin lahat ng taong gobyerno. Lahat! Kelangang makita ng mga tao na sinesermunan ko sila para magbagong buhay. Bigyan sila ng meryenda para hindi naman sila mukhang dugyot sa mga ipo-post nila sa social media. Magsasalita rin ako nang konti tungkol sa edukasyon (para mainggit si Sara) at sa ismagling ng pagkain para hapi ang lahat sa Bagong Pilipinas.
Ang siste, pagkatapos ng rali noong Linggo at nag-uwian na lahat ng mga dumalong lingkod ng bayan na hindi binigyan ng OT, balik sila sa dating gawi. Kelangan pa silang gumising nang maaga kinabukasan para umabot sa flag ceremony.
Kung meron mang nagawa ang magastos na kickoff rally para sa Bagong Pilipinas, ito ay ang ipakitang walang aasahang pagbabago ang mamamayan sa gobyernong ito. Binubuo pa rin ito ng mga trapong inuuna ang sariling kapakanan. May mga nakaupo sa Kongreso na may kinakaharap na kriminal na kasong pandarambong pero nasa pwesto pa rin dahil kakampi ni Dayunyor. Karamihan sa mga may posisyon sa gobyerno eh superyaman na hindi nakaranas matulog nang gutom o mag-abang ng masasakyan sa gitna ng init para pumasok at umuwi mula sa trabaho.
Ang solusyon sa mga problema ay tulad pa rin ng dati: Ituloy ang mga anti-mahihirap na batas gaya ng Rice Tarrification Law, Foreign Investment Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act, Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, at ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act. Sa madaling salita gusto nitong payamin ang mga dati nang mayayaman sa pag-asang maaambunan ang mahihirap. Nangyayari lang yun sa panaginip nila.
Ayon sa pag-aaral ng IBON Foundation, yung 50 pinakamayamang Pilipino lang ang nakinabang sa mga ito na tumaas ng 13.6% o 537.2 bilyong piso ang kita noong 2023, umabot ito sa 4.48 trilyong piso kumpara noong nakaraang taon. At kahit sa kanilang hanay, sampung superduper na yaman lang ang nakakopo ng pinakamalaking kita na 21.9%, o 532.7 bilyong piso, na umabot sa 2.97 trilyong piso.
Naambunan ba tayo? Susmaryosep! Kayo na ang sumagot.
At ngayon, gustong palitan ng namamayaning paksyon sa gobyerno – na pinangungunahan ni Dayunyor at pinsan nito – ang Konstitusyon para umasenso raw tayo. Sagabal daw ito sa pagpasok ng mga dayuhang kapitalista at sa Bagong Pilipinas. Tinututulan ito ng kabilang paksiyon – na pinangungunahan naman ng mag-amang hinahabol ng ICC – hindi dahil mahal nila ang bayan, kundi dahil diskumpiyado lang sila sa tunay na layunin ng mga pro-ChaCha. Tingin nila gagawin nitong parliyamentaryo ang sistema ng gobyerno o pahahabain ang kanilang termino. Anu’t anuman, lugi sila dahil hindi na sila bati ng kampo ni Dayunyor at hindi sila makikinabang dito.
Mabuti na rin at merong social media. Kahit may kanya-kanyang troll ang magkabilang paksyon, meron ding mga nagmamalasakit sa bayan na nagbabantay sa maiitim na balak ng mga trapo. Madaling nabubuking ang mga kalokohan nila. Pati ang batuhan ng putik ng kampo cocaine at kampo fentanyl e madaling naipapalabas at napapanood ng lahat.
