SA mga nakalipas na panahon, pinananabikan ng lahat ang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.
Dangan naman kasi, marami ang nabubunyag na bulilyaso at nakakasuhang may atraso.
Nang likhain ang komite, malinaw ang layunin – “investigation in aid of legislation.”
Anumang impormasyon, at datos na kalakip ng resulta sa imbestigasyon, gagamitin sa paglikha ng batas o pag-amyenda sa butas ng umiiral na batas.
Hindi matatawaran ang kahalagahan ng Blue Ribbon. Gayunpaman, may mga senador ang tila nakalimot sa tunay na layunin sa likod ng mga isinasalang na imbestigasyon ng komite.
Ang Blue Ribbon Committee sa makabagong panahon, isa nang entablado kung saan inilalagay sa kahihiyan ang isinasalang sa imbestigasyon – akusado, testigo, kapwa mambabatas at maging ang mga taong wala sa bulwagan para salagin ang mga pang-iinsulto at maling paratang.
Sa tuwing may kontrobersiya, ang mga epal dumadagsa, bumabalandra at bumibida para nga naman sikat sa balita. Ang masaklap, binabarako ang isinasalang sa mga pagdinig para bigkasin kung ano ang gusto nilang marinig.
Ang mga pinaratangan, daig pa ang nahatulan sa inaabot na kahihiyan.
Sariwa pa marahil sa alaala ng mga telenobelang kinapahamak ng mga taong kalaunan ay napatunayang inosente, tulad ng yumaong Defense Sec. Angelo Reyes, former Agriculture undersecretary Leocadio Sebastian at mga kasama sa Sugar Regulatory Administration (SRA) kabilang sina administrator Hermenegildo Serafica, Aurelio Gerardo Valderrama Jr. at Roland Beltran.
Hindi rin biro ang perwisyong idinulot ng maling alegasyon ng isang dating senador (natalo sa re-election bid) sa mag-asawang Rose Nono Lin at asawang si Jeffrey Lin ng Pharmally Biological and Pharmaceutical Co.
Kapwa sila idinawit sa bulilyaso ng kuwestyonableng transaksyon na pinasok ng Pharmally Pharmaceutical Corp. Parehong may Pharmally sa pangalan ng dalawang kumpanya.
Pero malinaw pa sa sikat ng araw na magkaiba ang dalawa. Pero ang talunang tabogo sa Blue Ribbon, sukdulang ipagpilitan ang gusto.
Ang ending – eh di wala!
Ultimo sipi ng resulta ng imbestigasyon, di pa lumalabas hanggang ngayon.
Si Reyes na hiniya ni dating Senador Sonny Trillanes, pinili na lang wakasan ang buhay.
Si Sebastian na kilala sa interidad sa nakalipas na limang dekada isinakripisyo kasama sina Serafica, Valderrama at Beltran.
Lahat sila, hindi kailanman nahatulan ng husgado. Pero napahiya ng sukdulan, inusig base sa kwento lang.
Sa kabila ng pagkakamali, ipinagkait ng mga epal sa Blue Ribbon ultimo simpleng “sorry.”
Ang tanong – maibabalik pa ba ng mga epal ang buhay ni Reyes at integridad ng taong inilagay sa sukdulang kahihiyan? Maibabalik pa ba sa dati ang nasirang pamilya at kinabukasan ng mga batang nadamay dahil sa kalasingan sa posisyon?
Dapat marahil ipaalalang muli sa mga miyembro ng Blue Ribbon ang mandatong kanilang sinumpaan – ang lumikha ng batas o magsulong ng amyenda sa palyadong batas para hindi na maulit ang naganap na salabit.
Walang dahilan para buwagin ang Blue Ribbon.
Ang kailangan lang siguro, isang dibdibang oryentasyon, kung hindi man balik-aral sa mandato ng kongreso.
Pwede rin sigurong baliktarin – sila naman ang isalang sa imbestigasyon.