
SA gitna ng isinasagawang paglilinis ng Department of Interior and Local Government (DILG), tatlong pulis-Dasmariñas ang arestado sa isang anti-drug operation sa lalawigan ng Cavite.
Kasong paglabag ng Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa sa piskalya laban kina Police Staff Sergeant Tomas Dela Rea Jr., Corporal Christian Arjul Monteverde at Patrolman Jeru Allen Magsalin Set, na pawang nakatalaga sa Intelligence Unit ng Dasmariñas Police Station.
Bukod sa kasong kriminal, nahaharap din sa kasong administratibo at summary dismissal proceedings ang mga suspek na pinaniniwalaang nasa likod ng kalakalan ng droga sa nasabing lungsod.
Inaresto sina Dela Rea, Monteverde at Set kasama ang 22-anyos na si Jorilyn Magnaye Ambrad na pasok sa talaan ng high value target sa buong lalawigan.
Kumpiskado sa pag-iingat ng mga suspek ang hindi bababa sa P1.43 milyong halaga ng shabu, mga baril at bala.