HINDI nakalusot sa mapanuring mata ng mga operatiba ang isang dayuhan sa tangkang pagpupuslit ng tinatayang P120-milyong halaga ng droga sa Mactan Cebu International Airport kamakailan.
Arestado ang South African Pietro Alquo na dumating sa bansa lulan ng Qatar Airways Flight QR 924, mula sa lungsod ng Dohan ng bansang Qatar.
Ayon kay BOC-Subport of Mactan collector Gerry Campo, timbre ng isang impormante ang nagtulak sa kanilang mga kawani para abangan ang banyagang una nang iniulat na drug mule (courier).
“Derogatory info was immediately disseminated to the Customs officers on duty… Our Customs team immediately called the attention of PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) for K9 inspection and assistance,” saad sa isang bahagi ng ulat na isimute ng tanggapan ni Campo.
Gayunpaman, itinanggi ni Alquo ang paratang kasabay ng giit na wala siyang kamalay-malay na droga ang laman ng bagaheng di umano’y ipinakisuyo lang sa kanya ng isang kaibigan.
“The Port of Cebu does not tolerate smuggling of dangerous drugs… We keep our borders tight to ensure these do not slip past our jurisdiction,” pahayag naman ni Port of Cebu district collector Elvira Cruz.
Sa imbestigasyon, lumalabas na positibo ang timbre hinggil sa kontrabandong nabisto matapos sumailalim sa x-ray inspection ang bagahe ni Alquo – hudyat para buksan nang tuluyan ang buksan ang dalawang maletang bitbit ng banyaga.
Dito na tumambad ang sandamakmak na drogang tumimbang ng 14 kilo. Nang suriin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), positibong shabu ang kontrabando.
Agad na dinakip ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).