
USAPANG makakain muna tayo mga kaibigan.
Alam nyo bang may mga lugar sa bansang Africa at India ang dumaranas ngayon ng matinding kahirapan at problema sa pagkain?
Sa ulat ng Global Finance Magazine, ang bansang Malawi sa Africa ay ika-4 sa pinakamahirap na bansa sa buong mundo at sinuportahan naman ito ng UNICEF na nagsabing ang mahigit sa 50 porsiyento ng populasyon dito ay kabilang sa below poverty line at 20 bahagdan dito ay sakop ng ‘ultra poverty’!
Napakalaki ng problema sa pagkain at malinis na tubig na iinumin ng maraming kapwa-tao doon na halos isang beses na lamang kumakain sa isang araw. Dahil sa sobrang malala ang sitwasyon at kakapusan ng pagkain, ang ilang mga magulang ay napipilitang gumawa ng mga ‘dirt cookies’ o mga putik na pinatigas at ito ang kanilang kinakain! Sa India, noon ay may napaulat na halos 3,000 bata ang sinasabing namamatay sa gutom kada-araw.
Kaya ngayong araw hanggang bukas (March 18 and 19) ang Iglesia Ni Cristo o INC ay muling magkakaisa para LINGAPIN ang kapwa-tao sa mga bansa sa Africa at India upang makapag-ambag ng solusyon sa dinaranas na ‘extreme poverty’ sa ilang mga lugar sa naturang bansa at mahatiran ng pangunahing pangangailangan gaya ng gamot, pagkain at inumin ang mga mamamayan nito.
Dahil sa pagkakaisa para sa aid to humanity, ang INC ay nakapagpatayo na sa South Africa ng malalawak na eco-farm at animal farm at mismong mga residente nila dito ang nagsasaka at nag-aalaga ng hayop.
Malaki ang naitutulong nito para sa suplay ng pagkain at maliban dito ay may naipatayo na ring garment factory ang INC sa naturang bansa na nagbibigay ngayon ng trabaho at livelihood sa daan-daang mamamayan ng Africa. Tunay na malaki ang nagiging ambag ng solidong pagkakaisa ng INC para mabigyan ng pag-asa ang mga nangangailangan.
Punta naman tayo dito sa ating bansa na may problema rin sa pagkain at sa taas ng bilihin.
Alam nyo bang sa gitna ng tumataas na presyo ng pagkain eh nakukuha pang magsayang ng mga Pilipino?
Opo! Sabi ng Department of Science and Technology-Food Nutrition Research Institute, kanin, isda at gulay ang malaking porsyento sa mga sinasayang na pagkain sa bansa dahil umano sa ‘plate waste’ sa rural households at sa mga pamilyang mas mataas ang status at food secure kumpara sa mahihirap na pamilya.
Ang kanin na siyang pinakamurang source of energy, pero ito umano ang pinakamalaking bahagi na nasasayang sa lower income group dahil daw sa habit ng mga Pilipino na ayaw kumain ng kaning lamig at gusto bagong saing ay nagdudulot ng pagsasayang ng bigas sabi ng ahensiya.
Gulay ang top 3 na pagkain na higit na nasasayang dahil mabilis itong nasisira bukod sa hindi naman ugali ng iba lalo na ng mga kabataan na kumain ng gulay. Kaya sabi ng DOST dapat umano maturuan na magplano ang mga Pilipino na sakto lang ang lutuin para hindi masayang ang mga pagkain o kaya naman ay matutong mag recycle ng mga natirang ulam para makatipid.
Ang Pilipinas ay napapabilang sa agrikultural na bansa naliligiran ng mga karagatan kaya imposibleng maubusan ng suplay ng pagkain.
Ang problema, napaliligiran din tayo ng mga KURAP na opisyal na tila hindi din nauubusan ng pamamaraan para magpayaman habang ang mga mahihirap ay lalong nasasadlak sa putikan.
Sabayan pa ng walang patid na pagsasayang ng pagkain ng ilang palasyong araw-araw ay may piging!