
MATAPOS ang tagumpay na operasyon kontra cigarette smuggling sa Sulu, kumbinsido ang Bureau of Customs (BOC) na maliliit na bangka na lang ang ginagamit ng mga smugglers sa paniwalang disimulado ang ilegal na pagpupuslit sa karagatan ng kontrabando.
Sa direktiba ni BOC-Davao District Collector Erastus Sandino Austria, bantay-sarado na ang mga maliliit na sasakyang dagat na naglalayag sa karagatang sakop ng kanyang pinamumunuan distrito.
Paglilinaw ni Sandino, hindi mangingisda ang target ng agresibong pagbabantay sa karagatan – kundi ang mga sindikatong nagpupuslit ng mga piniratang sigarilyo.
Kamakailan lang, hagip sa mga operatiba ng BOC-Davao ang nasa 18,533 master cases (katumbas ng P1.4 bilyon) ng iba’t ibang klase ng mga ipinuslit na sigarilyo sa isang dambuhalang bodega sa lalawigan ng Sulu.
“We are on alert after the incident since the contraband can easily be transported to a city like Davao… of course, this is not for the consumption of the inhabitants of the archipelago nor the citizens of the beautiful city of Zamboanga. It might be going to the biggest urban hub here in Davao,” wika ng BOC-Davao chief.
Bukod sa sigarilyo, pasok rin sa tinututukan ng kawanihan ang illegal drug smuggling sa naturang distrito.
“It (smuggled cigarettes) might be mixed with drugs. Our approach and intervention are multi pronged as we also asked the Armed Forces of the Philippines to put a lead, and a stop to the situation,” aniya pa.