
TALAMAK na ang mga ‘pervert’ advertisements ngayon. Batid ko na hindi lang ako ang nakapansin nito sa tuwing magbubukas ako ng aking social media account lalo na ang Facebook.
Ang mga social media ads na ito ay nagpapakita ng mga produkto na tila nanghihikayat sa mga netizens sa pakikipagtalik. May mga produkto di umano ang mabisang pampalaki ng ari at pampagana sa sex at mas nagpapaligaya sa babae!
Kung dadaan ito sa inyong mga wall, mapapansin ninyo ang libo-libong views at sari-saring reactions at komento. Ibig sabihin, marami na ang nakakapanood nito, at maaaring isa dito ay ang inyong menor de edad na anak.
Ang nakakabahala kasi, ipinapakita sa mga ‘bastos’ na social media ad ang pagtatalik ng magkapareha!
Hindi ko tuloy maintindihan kung para saan ang paalalang “posts that violate community standards”. Mukhang hindi na ito pinapansin ng mga social networking app.
Paano na ang mga kabataan kung mananatili ito maging sa internet?
Paano nga ba ito ni-reregulate ng gobyerno? Sino ang dapat kastiguhin sa mga ganitong uri ng advertisements?
Naalala ko noong Enero, taong kasalukuyan, sa lalawigan ng Bulacan ay may isang jeepney operator ang pinahuli ni Governor Daniel Fernando dahil sa umano’y bastos na nakasulat sa estribo ng sasakyan.
Sabi ng pulisya ang may-ari ng jeepney ay isang 48-anyos na balo, residente ng Bundukan, Bocaue at siya ay personal na hinarap at pinagsabihan ni Fernando kaugnay ng mga katagang kabastusan na nakasulat sa estribo ng PUJ at dahil dito ay posibleng maharap sa kaukulang kaso ang ginang.
Napansin kasi ang mga katagang nakasaad sa estribo na “Para umasenso ang Bulacan, kalibugan ay tigilan.”
Sabi pa ng Bulacan Provincial Legal Office (PLO), pinag-aaralan na pagpapataw ng “persona non-grata” sa operator ng naturang jeepney.
Ipinahuli kasi labag, nakakababa ng moral at hindi akma sa kultura ng mga Bulakenyo. Hindi kinunsinti, INAKSYUNAN!
Noong 2004, naging mainit din ang isang advertisement ng isang kumpanya ng alak na may katagang, “Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”
Umalma dito ang iba’t-ibang sektor, ang katunayan sabi ng Gabriela, “We are concerned citizens, women, educators, artists, church leaders and workers, students calling for the immediate pullout of Napoleon Quince Anyos (“Nakatikim ka na ba ng kinse anyos?”) advertisements. We find the brandys catchphrase insensitive, offensive and degrading, inimical to the well-being of Filipino women and children.”
Nahinto ang naturang ad, kasi may UMAKSYON!
Paano ngayon itong mga ‘bastos ads’ na paulit ulit na dumadaan sa wall ng mga netizens, isama na ang mga may malalaswang content mula sa mga vloger sa social media na gusto lang ay tumabo ng pera. Sino ang aaksyon?
Panawagan lang sa ating mga kinauukulan, baka kayo pa ang aliw na aliw habang pinanonood ang mga nasabing ads at sa mga videos mula sa mga ‘mai-L’ na content creator.
Umaksyon po kayo! JUICE COLORED!