MULA 14, pumalo na sa 81 ang bilang ng mga taong nagkasakit matapos makalanghap ng nakakasulasok na amoy ng tumagas na langis na umabot sa mga baybaying barangay ng bayan ng Pola sa Oriental Mindoro.
Sa ulat ng Oriental Mindoro Provincial Health Office (OMPHO), ang mga ang mga biktima ang nakaranas ng pagkahilo, pagsusuka, pagtatae, pamamaga ng lalamunan, paghapdi ng mata, pananakit ng katawan, lagnat, paninikip ng dibdib at sakit ng ulo.
Ayon sa OMPHO, karamihan sa mga biktima ay menor de edad at mga senior citizens.
Patuloy ang paglilinis ng tumagas na langis sa baybayin bahagi ng Pola mula sa lumubog na MT Princess Empress noong nakaraang linggo.
Panawagan ng lokal na pamahalaan sa mga residente ng nasabing bayan, iwasan muna gumawi sa baybaying bahagi ng munisipalidad.
Bukod sa Oriental Mindoro, apektado rin ng oil spill ang mga lalawigan ng Occidental Mindoro, Palawan at Antique.
Isinailalim na rin sa state of calamity ang Oriental Mindoro kung saan 19,000 pamilya ang di umano’y apektado.
Nagpahayag na ng kahandaan ang mga apektadong lokal na pamahalaan na sampahan ng patong-patong na kaso ang kumpanyang nagmamay-ari ng lumubog ng MT Princess Empress.
Samantala, pinawi ng Maritime Industry Authority (Marina) ang agam-agam ng mga apektadong lokalidad. Ayon kay Sharon Aledo na tumatayong tagapagsalita ng Marina, pasok di umano sa $1-billion insurance coverage ng MT Princess Empress danyos perwisyo bunsod ng oil spill.
Karagdagang Balita
GAS STATION SINALPOK, KOREANO TIMBOG
LOLO, KASAMA 2 APO, PATAY SA SUNOG SA RIZAL
HATID-SUNDO SA MGA MAG-AARAL NG DAVAO CITY