SA lawak ng pinsalang dulot sa turismo,pangisdaan at kalikasan, isang malalimang imbestigasyon ng isinusulong sa senado sa hangaring matukoy at masampahan ng karampatang kaso ang mga responsable sa likod ng insidente.
Sa inihaing Senate Resolution 537, target ni Sen. Cynthia Villar isalang sa imbestigasyon ng Senate Committee on Environment ang lawak ng epekto sa pagtagas ng 800,000 litro ng langis mula sa lumubog na MT Princess Empress noong ika-28 ng Pebrero sa Nauajan, Oriental Mindoro.
Sa lawak ng oil spill, umabot hanggang sa Palawan ang langis na isinuka ng MT Princess Empress, sukdulang nahinto ang industriya ng pangisdaan at maging ang turismo sa apat na lalawigang binagtas ng tumagas na langis sa karagatan.
Pagtataya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) posibleng abutin pa ng apat na buwan bago tuluyang matapos ang paglilinis sa karagatan.
Panawagan ng senador sa mga local government units, mga apektadong residente at mga grupong makakalikasan – sabayan at agarang pagkilos para pigilan ang paglawak ng pinsala sa kapaligiran, kabuhayan, turismo at kalusugan.
Sa pag-aaral na isinagawa ng UP Marine Science Institute, posibleng maapektuhan ng oil spill ang mahigit 36,000 ektarya ng coral reefs, mangroves, at seagrass sa Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Palawan at Antique. Bineberipika na rin ang mga ulat hinggil sa di umano’y pagkamatay ng isda, mga halamang dagat at ibon sa mga apektadong lugar ng oil spill.
Gayundin ang pagkabahala ng mga eksperto sa marine biodiversity ng Verde Island Passage na itinuturing na sentro ng marine biodiversity sa buong mundo. May ulat din ng mga patay na isda, marine life and sea birds.
“The oil spill has likewise affected the tourist destinations in Oriental Mindoro, such as the Bihiya Beach, 3 Cottage, Long Beach K. I, Aguada Beach Resort, Oloroso Beach Resort, Munting Buhangin Tagumpay Beach Resort, and Buhay na Tubig White Beach Resort in Oriental Mindoro, and even threatens to affect Boracay, the country’s premiere tourist destination,” ayon kay Villar.
“Apart from the environmental damage to the marine ecosystem, biodiversity, fisheries and tourism, the livelihood and health of the people in the area are already adversely affected by the said oil spill,” dagdag pa niya.
Base sa monitoring report ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nasa 48,885 na mamamayan (katumbas ng 10,362 pamilya) mula sa siyam sa 13 bayan ng Oriental Mindoro ang apektado ng oil spill.
Lumubog ang tank ship habang naglalayag mula Limay, Bataan patungong Iloilo, karga ang 800,000 liters ng industrial fuel.