ARAL pa more!
Iyan ang payo ni Sen. Francis “Chiz” Escudero sa economic team ng administrasyong Marcos Jr. Na nagsusulong ng kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF).
Labis na ipinagtaka ni Sen. Chiz kung paano nakalusot sa Mababang Kapulungan ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng MIF, ang kauna-unahan sanang sovereign wealth sa Pilipinas, kung ang simpleng tanong na “ano ang pakay nito?” ay hindi masagot ng economic team ng administrasyon.
“Kesyo may 50 bansa na raw kasi ang mayroong sovereign wealth fund, basehan na ba ito para magkaroon ang Pilipinas ng MIF?” sabi ni SEn. Chiz sa programang Sa Totoo Lang sa One Ph kamakailan.
Marami rin daw ang nagsabi na ang bilyun-bilyong pondo ng MIF na kukunin sa Land bank of the Philippines (LBP) at Development Bank of the Philippines (DBP) ay ilalaan para sa infratructure projects, ngunit ang bersyon pala ng panukalang batas na inihain sa Senado ay nakasaad sa probisyon na “excluding infrastructure projects” ang paglalaanan ng pondo.
Kaya ang tanong ni Chiz,” Ano ba talaga ang nais gawin sa pondo?”
Hindi rin aniya dapat minamadali at ang ibang bansa nga ay umabot pa sa isang dekada ang pagpaplano bago naiskatuparan ito at ang resulta ay makikita hindi sa loob lamang ng termino ng isang pangulo na anim na taon.
Wala rin pala sa probisyon ng panukalang batas kung magkano ang kikitain ng LBP sa ilalagak nitong P50-B at DBP na maglalaan ng P25-B bilang inisyal na puhunan ng MIF.
Eto pa ang ipinagtaka ng senador, bakit sa 15 miyembro ng board ng MIF ay tig-isa lang ang kinatawan ng LBP at DBP at lima sa private sector gayong kalahati ng seed capital ay mula sa LBP at 25% ay mula sa DBP, at walang ambag ang pribadong sektor?
Kaduda-duda rin kung bakit ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay pinipigilan ang LBP at DBP na magpautang ng napakalaking halaga sa isang kompanya o organisasyon sa takot na madamay kapag nalugi ang negosyo nila, pero sa MIF ay pikit-matang ilalaan ang bilyones nilang pondo kahit walang katiyakan kung saan ito mapupunta at kung magkano ang kikitain.
Sabi nga ng senador, kung panukalang batas ng administrasyon ang MIF, dapat ay sa kanila manggaling ang anomang pagbabago mula sa minadaling bersyon ng Mababang Kapulungan at huwag iasa sa mga senador.
Kung ganito kagulo ang bersyon ng MIF,saan humuhugot si Marcos Jr. ng lakas ng loob para ilako ito sa foreign investors?
Paano naging sovereign fund ito kung papayagan ng gobyerno ng Pilipinas na sumawsaw ang mga dayuhan at gagamiting behikulo para pagkakitaan?
Magiging madali na rin kaya para sa corrupt politicians at unscrupulous businessmen na gamiting instrumento ito sa money laundering?
Kawawang Juan dela Cruz, iginigisa sa sariling mantika ng sariling gobyerno.
Unity ba ‘ika ‘nyo?