
KUNG pagbabatayan ang mga kontrobersiyang kinasasangkutan ng lokal na pamahalaan ng baybaying munisipalidad sa lalawigan ng Rizal, mukhang lalampasan pa ang kasikatan bilang Garments Capital of the Philippines.
Dangan naman kasi, usap-usapan sa bayan ng Taytay ang mga bulilyaso sa munisipyo mula nang magkaroon ng bagong alkalde.
Kinultab na subsidiya sa mga senior citizens, pangingikil sa mga vendors, magarbong pa-konsyerto, overpriced na ‘bulletproof’ na kurtina, mga mamahaling muebles, paglalamyerda sa ibang bansa – at pati ang simpleng walis tingting, trending sa social media.
Sa pinakahuling paglalahad na lumabas sa Taytay Secret Files, puntirya ang di umano’y katakawan ng mga opisyales sa likod ng ‘mahiuwagang walis tingting’ na di umano’y binili sa halagang P85 kada piraso.
Nang mabasa ko sa Facebook ang isyung kinasasadlakan ng Taytay, bigla ko naalala si Joey Marquez noong panahong siya pa ang alkalde ng Paranaque.
Hinatulan ‘guilty’ ng Sandiganbayan si Marquez kaugnay ng di umano’y anomalyang nasilip ng Commission on Audit (COA) – ang pagbili ng walis tingting sa halagang P25 kada piraso gayong P11 lamang umano ang bentahan sa mga pamilihan.
Kung tutuusin, bansot lang ang P14 na patong sa presyo ng walis tingting, pero kung susumahin ang kabuuang halaga tumataginting na kalahating milyon ang nawala sa pondo ng munisipyo.
Fast forward tayo. Nagdesisyon ng Sandiganbayan hatulan si Marquez ng 50 taon sa bilangguan.
Balik tayo sa Taytay, ayon naman sa mga Facebook post ng Taytay Secret Files, P85 ang binayaran ng lokal na pamahalaan sa kada piraso ng ‘mahiwagang walis tingting’ – malayo sa P35 kada piraso bentahan sa palengkeng hindi kalayuan sa munisipyo.
Kung susuriin maigi ang detalye ng transaksyon, pareho lang sa kaso ng Paranaque. Talo ng munisipyo sa hindi makatwirang presyo.
Ayon sa Sandiganbayan, may kailangan managot sa anumang transaksyon kung saan dehado ang pamahalaan.
Ang tanong – dehado ba ang pamahalaang bayan ng Taytay sa mga ‘mahiwagang walis tingting’ na binili ng munisipyo?
Huwag naman sana maging Walis Tingting Capital ang Taytay.