MAGANDA sana ang sarbey kung makatotohanan, at hindi manipulado ang resulta tulad nakaraan na ipinalabas na nagugustuhan ng nakararaming Pinoy ang pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.
Taliwas ito sa tunay na nangyayari on the ground.
Mataas na bilihin tulad ng asukal at bigas, palpak na serbisyo sa Land Transportation Office (LTO) at Philippine Statistics Authority (PSA), patuloy na panggigiri ng China sa West Philippine Sea, at walang katapusang manipulasyon sa tunay na kapalpakan ng administrasyong inuuna ang red-tagging kaysa magtayo ng silid-aralan.
Sa sektor ng agrikultura, patuloy ang pagtaas ng halaga ng abono at pataba na halos nadoble sa halaga noong panahon ng drug war na kumitil sa libong “petty pusher” at inosenteng sibilyan.
Bukod sa nalulumpo ang magsasaka sa mataas na halaga ng inputs sa sakahan, dinudurog ang kanilang paghihirap ng Rice Tarrification Law na walang ibang nakikinabang kundi ang kartel sa pag-aangkat ng bigas na ibinebenta sa mataas na halaga.
Hindi masawata ang pag-aangkat ng produktong agrikultural kaysa bigyan ng tulong-teknikal at pinansiyal ang magsasaka na makahulagpos sa kahirapan ng kanilang pamilya.
Sarbey ang tugon ng administrasyon sa kumakalam na sikmura ng maraming mamamayan na halos hindi na makabangon sa pagkakasaglak sa kahirapan, samantalang iyon lider, kasama ang alipuros na buwitre sa sektor ng pagnenegosyo at pulitika, gamit ang buwis ng bayan, nagliliwaliw sa ibang bansa na akala mo turistang walang pinamamahalaang bansa.
Iniiwas ng sarbey ang lahat ng sagot sa katanungan at hinaing ng taumbayan na kung nasaan ang P20 halaga ng bigas, nasaan ang Tallano gold at nasaan ang transmission log ng Comelec sa huling halalan, at nasaan ang administrasyon sa panahon ng pamamalimos ng pulubi sa lansangan.
Masakit isiping bukod sa kumita ang mga kuwestiyonableng survey firm na iyong isa ay pag-aari ng sinibak na opisyal ng UDM dahil sa anomalya na pawang enabler ng fake news, nagagawa nilang lokohin ang taumbayan sa pekeng resulta na hindi natin alam kung saan nagmula tulad ng botong mabilis na nabilang bago matapos ang botohan.
Ikaw, natanong ka na ba sa alinmang sarbey sa buong bansa? Ako never pa, baka iyong pulubi sa kanto at adik sa loob ng presinto ang madalas na respondent sa pangangalap ng sagot sa katanungan na sila lamang ang nakakaalam.
Sa isang kumakalam na sikmura tuwing tanghalian, hindi niya kailangan ang resulta ng sarbey, kundi tunay na paglilingkod na walang halong korapsiyon, manipulasyon at palpak na serbisyo
Kundi masasabi natin na ginagawa ang sarbey upang pagtakpan ang kapalpakan sa serbisyo at pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Speaking of serbisyo publiko, mabuti na lamang may isang Senador Alan Peter Cayetano na nagpupuno sa kapalpakan ng gobyerno sa paghahatid ng kailangang ayuda partikular sa kalusugan ng mahihirap.
Kamakailan, higit isandaan pasyente sa Rizal Medical Center (RMC) ang nakatanggap ng medical assistance mula sa opisina ni Senador “Companero” Cayetano noong May 10.
Sa tulong nina RMC Medical Center Chief II Dr. Maria Rica M. Lumague at RMC Chief of Medical Social Services Department Ms. Luningning Banocia, nakapaglagay ng isang hospital desk ang opisina ng senador upang tulungan ang mga pasyenteng may cancer, heart disease, chronic kidney disease, eye disease, at komplikasyon sa panganganak.
Nakatanggap ng tulong para sa hospital bills, pagpapagamot, laboratory tests, at medical procedure ang mga pasyente, na karamihan na galing sa Taguig at Pasig.
Isa sa mga natulungan na pasyente ay si “Reg” na may breast cancer. Nagpapasalamat siya kina Senador Alan Peter Cayetano, Senator Pia, at Mayor Lani Cayetano para sa kanilang madalas na pagtulong.
“Malaking tulong po ito na galing kay Senator Alan Cayetano, pati tulong nina Senator Pia at Mayor Lani Cayetano,” sinabi ni Reg. “Simula nung naglalakad ako ng papel, sa kanila po ako lumalapit. Hanggang ngayon, sila pa rin ang gumagabay sa akin sa tulong medikal at pinansyal. Sila po ang laging nakaalalay sa akin.”
Si Pamela Calisar naman ay nakatanggap ng tulong para sa kanyang biyenan na kasalukuyang nagpapagaling mula sa colon cancer. Nagpasalamat siya sa pagtulong ng senador para sagutin ang kanilang bayad para sa laboratory.
“Kailangan niya na po kasi magpa CT scan para malaman kung mayroon pang colon cancer o wala na. Masyado na po kasing malaki ‘yung [hospital] bill kaya humingi po ako ng tulong kay Senator Alan Peter Cayetano. Ito naman po, hindi ako nabigo. Buo pa ang binigay, salamat po!” sabi niya.
Matagal nang itinatag ni Cayetano ang medical assistance program upang tulungan ang mga mahihirap sa kanilang pangangailangang medikal.
Kaya ako, kudos sa senador.
