
HIGIT na angkop na tutukan ng pamahalaan ang pagbangon ng sektor ng edukasyon sa hudyat ng World Health Organization (WHO) na nagwawakas ng COVID-19 global health emergency.
Para kay Senador Win Gatchalian, hindi biro ang sinalong dagok ng, kasabay ng giit para sa agarang paglalatag at kagyat na implementasyon ng learning recovery program na magbibigay-daan sa pagbangon ng naturang sektor.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang pagbaba ng kalidad ng edukasyon bunsod ng ipinatupad na restriksyon sa face-to-face classes noong kasagsagan ng nakamamatay na COVID-19 na tumagal na halos dalawang taon.
Kabilang aniya sa mga paraan para muling maitaas ang antas ng kalidad ng edukasyon ang Senate Bill 1604 o Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act) na pinagtibay na ng Senado noong nakaraang Maso.
Batay sa pag-aaral ng UNESCO, PIlipinas ang may pinakamahabang pagsasara ng klase sa buong mundo mula noong nagsimula ang pandemya.
Layunin ng ARAL Program na tulungan ang mag-aaral na makahabol sa kanilang aralin at matugunan ang learning loss.
Sa ilalim ng ARAL Program, gagabayan ng mga itatalagang tutor ang mag-aaral sa ilalim ng mga ‘well-designed intervention plans.’
Sa pagtataya ng World Bank, nasa 90.9% ang learning poverty sa Pilipinas noong Hunyo ng nakalipas na taon – nangangahulugang siyam sa 10-anyos na bata ang hindi makabasa o makaunawa ng maikling kwento.
“Bagama’t nalagpasan na natin ang pinakamalalang yugto ng pandemya ng COVID-19, patuloy nating dapat tugunan ang pinsalang dulot nito, lalo na sa sektor ng edukasyon. Kailangan nating magpatupad ng mga programa para makahabol ang ating mga mag-aaral. Kailangan din natin tiyakin na magiging mas matatag ang sektor ng edukasyon sakaling humarap tayong muli sa malawakang krisis,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.