HINDI na bago ang mataas na pagpapahalaga ng gobyerno sa mga negosyante. Katwiran ng pamahalaan, malaki ang ambag ng mga kapitalista sa buwis na panustos sa mga programa at proyekto.
Subalit ang nakalulungkot, tila nalalagay sa dehado ang mga pangkaraniwang tao.
Patunay nito ang kabiguan ng pamahalaan bigyan ng angkop na proteksyon ang mga mamamayan sa isang bahagi ng lungsod ng Antipolo sa lalawigan ng Rizal matapos tayuan ng isang tarangkahan (gate) ang isang kalsadang pinondohan at pinagawa ng gobyerno para sa mga tao.
Daan-daang pamilya sa dalawang barangay – Inarawan at Cupang ang walang madaanan dahil sa tarangkahan bakal na inihalang ng mga armadong tauhan ni Ong sa AFP Road na sadyang ginawa para magsilbing daan ng mga residente ng mga nasabing barangay.
Ang resulta – nangamatay na ang mga pananim ng mga residenteng umaasa lang sa perang malilikom sakaling mabenta ang kanilang aning gulay sa pamilihan. Hindi na rin nila magawang umuwi sa kani-kanilang tahanan dahil sa mga armadong bantay na itinalaga sa pesteng tarangkahan.
Kung pagbabatayan ang dulog ng mga residente, tila may sariling private army si Ong.
Sa isang kalatas na padala ng isang antigong peryodista, partikular niyang tinukoy ang aniya’y hayagang pambabarako ng isang Johnson Ong na nagmamay-ari ng Sun Valley Estate sa lungsod ng Antipolo.
Kwento ni Joey Quinto, kabi-kabilang pangangamkam ng lupa ni Ong sa lungsod na higit na kilala bilang tahanan ng patron Nuestra Señora Dela Paz y Buenviaje (Our Lady of Peace and Good Voyage).
Ang istilo ni Ong, bibilin ang mga lupa nasa entrada ng Marilaque Highway (mas kilala dati bilang Marcos Highway) at sasakupin pati ang mga kalsada patungo sa mga kabahayan at taniman, sa hangaring mapwersa ibenta rin sa kanya ang iba pang lupang pagmamay-ari ng mga magsasaka.
Ang nakakalungkot, parang walang ahensya ng gobyerno ang may lakas ng loob na salingin ang negosyanteng maski minsan ay hindi pa lumutang sa publiko.
Bulag ba sila? Hindi naman siguro pipi o bingi… o baka naman duwag o di naman kaya ay nakikinabang!