SA gitna ng tila hindi maawat na pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin sa merkado, normal lang na maghanap ng mas murang alternatibo ang mga tao. May mga nagpupunta sa Divisoria, yun namang iba naman online shopping sa Shopee at Lazada.
Ang totoo, tama lang naman maging wais ang mga konsyumer. Bukod sa karapatan natin ang pumili saan natin nais bumili, meron naman mga batas na nagbibigay proteksyon sa mga mamimili.
Gayundin sa hanay ng mga tinatawag na resellers na ang hanap syempre ay murang paninda para nga naman sila ay kumita. Kaya ang resulta, pupod ang tsinelas kakahanap kung saan may mura.
Dito tayo nadale ng DALI Everyday Grocery. Kung pagbabatayan ang mga litanya ng netizens sa social media, mukhang dismayado ang marami sa diskarte ng DALI.
Ayon sa isang netizen, mas mabango pa ang NFA rice sa nabiling bigas mula sa naturang grocery. Sabi naman nung isang nakabili ng lotion, mabaho sa balat ang nabiling lotion. Meron naman nagreklamo sa iiniskor na shampoo – aniya, nakamura nga siya pero ang shampoo hindi naman bumubula.
Higit pa sa reklamo laban sa di umano’y dispalinghadong produkto, marami ang nakapuna ang kanilang marketing strategy. Dangan naman kasi, ang pangalan ng paninda halaw sa iba. Pati etiketa, halos kinopya.
Pero teka, wala man lang bang gagawing hakbang ang gobyerno – partikular ang Department of Trade and Industry? Hindi na ba umiiral ang Republic Act 7394 na mas kilala sa tawag na Consumer Act of the Philippines?
Kung pagbabatayan ang Presidential Decree 721 na nilagdaan ni dating Pangulo Ferdinand Marcos Sr. ang mandato ng DTI – isulong at palakasin at panatilihin ang kaayusan ng kalakalan sa bansa. Bahagi rin ng mandato ng ahensya protektahan ang konsyumer laban sa mga pagsasamantala, panlilinlang at pandaraya ng ilang mga negosyante.
Pasok din sa trabaho ng DTI pairalin ang itinakdang panuntunan sa komersyo.
Pero bakit parang dedma sa DTI ang reklamo ng mga konsyumer. Pakiramdam ng mga nakabili sa naturang tindahan, sila’y naisahan – kung hindi man sadyang inisahan. Ayaw man lang ba nila alamin kung may nilabag na batas ang DALI Everyday Grocery?
Hindi ako abogado pero sa aking sapantaha parang may paglabag sa copyright at intellectual property ang DALI Everyday Grocery
Bukod sa DTI, higit na angkop lumabas sa malamig na opisina ang mga opisyales ng Department of Health (DOH) para siguraduhin ligtas kainin, inumin at gamitin ang binebentang produkto ng DALI Everyday Grocery matapos maglabas ng babala ang Food and Drugs Administration (FDA) kaugnay ng DALI Food Lemon Cake at DALI Soymilk na anila’y hindi dumaan sa kanilang pagsusuri.
Kung ako ang tatanungin, pabor sa mga konsyumer ang pagdami ng mga pamilihan para mayroon silang pagpilian. Kung saan mura at kalidad ng produkto, doon karaniwan ang takbo. Kung may mga promo at diskwento, ayos yan sa mga Pilipino.
Sa ganang akin, dapat tayo maging mapanuri. Hindi lahat ng mura, sasagpangin na. Ang perang pinaghirapan at kinita sa malinis na paraan, wag hayaan masayang lang sa mga substandard na produkto sa ilang tindahan.
Para sa mga sumbong, paglilinaw, komento at reklamo, mangyaring lumiham lang sa fernanjoseangeles@gmail.com.
