SA mga panahong ito, maihahalintulad ang United Nations sa Amerikanong komedyanteng si Rodney Dangerfield na ang laging linya e “I don’t get no respect.”
Maliban na lang kung pabor sa Estados Unidos at mga dabarkads nitong mga imperyalista sa Kanluran, hindi pinapansin ang mga pahayag ng UN tungkol sa giyera ng mga bansa, sa karapatang pantao, sa ekonomiya, sa klima, at marami pang mga isyu sa daigdig. Matatandaan, halimbawa, na hindi pumayag ang UN Security Council na sakupin ng US ang Iraq noong 2003 pero itinuloy pa rin ng US ang pagbomba sa Iraq dahil sa “weapon of mass destruction” na hindi naman pala totoo. At sa mahigit 100 UN resolutions tungkol sa Israel at Palestine, karamihan e bumabatikos sa mga paglabag ng Israel sa pandaigdigang batas pero dedma lang ang Zionistang Israel dito. Dahil sa lantarang pagkainutil, hindi masisisi ang mga taong nagpapalagay na binuo lamang ang UN para pagsilbihan ang mga makakapangyarihang bansa sa mundo at palabasing umiiral ang kaayusan.
Gaya ngayong nagpupulong ang mga bansa tungkol sa nagbabagong klima o climate change, nagrereklamo ang UN na hindi pinapansin ng mayayamang bansa ang panawagan nitong itigil ang paggamit ng tinatawag na “fossil fuel” o panggatong na uling, langis, at natural na gaas na sumisira sa kapaligiran. Ayon sa pag-aaral ng World Metereological Organization (WMO), ang taong 2023 ang may pinakamainit na klimang nairekord. Mataas ito ng 1.4 degrees celsius kumpara sa simula ng industrialisasyon noong 1850-1900. At mula noong 2015 hanggang 2023, “Greenhouse gas levels are record high. Global temperatures are record high. Sea level rise is record high. Antarctic sea ice is record low. It’s a deafening cacophony of broken records,” sabi ni Petteri Taalas, pangkalahatang kalihim ng WMO.
Sa nagaganap na pulong ngayon ng COP28 (28th Conference of the Parties) ng UN sa United Arab Emirates, sinabi ng hepe ng UN na hindi na pwede ang pagbabawas lang ng paggamit ng fossil fuel kundi kailangan nang tuluyang itigil ito. Kailangang panatiliin sa 1.5 degrees celsius ang taas ng init ng mundo at mangyayari lamang ito kung ititigil ang paggamit ng langis at gaas.
Tinablan ng hiya ang kinatawan ng ilang mayayamang bansa sa nagaganap na pulong dahil alam nilang malaki ang kasalanan nila sa nangyayaring mga delubyo at sakuna bunga ng pag-init ng mundo, kaya nangako silang magbigay ng pondo bilang bayad-pinsala. Sa kasalukuyan, umaabot na sa $549 milyon ang mga naipangako samantalang tinatayang aabot sa $280 bilyon hanggang $580 bilyon ang pinsala kada taon hanggang 2030.
At hindi tayo ligtas. Ayon sa Global Climate Risk Index noong 2020, ikalawa ang Pilipinas sa pinakaapektado ng climate change sa kabila ng katotohanang tayo ang may pinakamaliit na kontribusyon sa emisyon ng carbon dioxide sa mundo. Ayon sa Global Report on Internal Displacement, mahigit 4 milyong Pilipino ang nawalan ng tirahan noon lamang 2020, karamihan dahil sa bagyo. At may 60 milyong katao ang lilikas mula sa mga mabababang lugar sa katapusan ng dantaon.
Mahalaga ang papel ng mga internasyunal na aktibista sa pagbibigay pansin at pagtulak sa mga gobyernong magdesisyon at kumilos para itigil ang mga gawaing nakasisira ng kalikasan at nagpapainit ng mundo. Sila ang dahilan kung bakit kinikilala na bilang malalang problema ng mundo ang climate change at napipilitan ang mga may kapangyarihang magdesisyon para kumilos.
Ang siste, dito sa Pilipinas, nire-redtag, tinutugis, ikinukulong, at pinapatay ang mga aktibista ng kalikasan. Nagiging isyu rin tuloy ito ng paglabag sa karapatang pantao. Ito ang napansin ni Ian Fry, UN special rapporteur on climate change and human rights, na bumisita sa Pilipinas noong nakaraang buwan. Sa sampung araw na imbestigasyon niya, pumunta siya sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang Metro Manila, Leyte, at Iloilo.
Sa paglilibot niya, nakumpirma niya ang matagal nang inirereklamo ng mga aktibistang Pinoy, na sagabal at walang silbi sa bayan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) kundi mang-redtag at magpahirap ng mga mamamayan. Inirekomenda niyang lansagin ito. “Nabahala” siya sa 15 kaso umano ng pagdukot nito ng mga nag-oorganisa sa komunidad at mga aktibistang pangkalikasan, kabilang ang dalawang kabataang tumututol sa reklamasyon sa Manila Bay. Ibinigay na niya umano sa gobyerno ang resulta ng pagsusuri niya pero magsusumite siya ng pormal na ulat sa Human Rights Council sa Hunyo ng susunod na taon.