MATAPOS magretiro mahigit pitong taon ang nakaraan, balik hardcourt action ng dating star player ng San Miguel Beer – ang 45-anyos na si Danny Ildefonso.
Sa anunsyong inilabas ni Coach Aldin Ayo, ibinida ang pirmadong dokumento mula sa tanggapan ni PBA Commissioner Willie Marcial na nagbibigay-daan sa pagpasok ni Ildefonso sa koponan Converge FiberXers.
Ayon sa kalatas ni Marcial, pwede nang isalang sa laro ng Converge si Ildefonso na huling nagpamalas ng husay sa hardcourt ng PBA noong 2015.
Bukod sa PBA, naging kasapi rin ng Meralco Bolts si Ildefonso bago tuluyang nagretiro.
Higit na kilala ang dating PBA star sa 15 taong ginugol sa San Miguel (na kalaunan ay tinawag na Petron Blaze Boosters) kung saan siya bahagi ng walong kampeonato. Sa ilalim ng naturang koponan niya rin nasungkit ang limang PBA Best Player of the Conference, bukod pa sa Rookie of the Year na iginawad sa kanyang noong 1998.
Sa datos ng PBA, si Ildefonso ang pinakamatandang aktibong manlalaro matapos tanggalin ng NLEX ang 50-anyos na si Asi Taulava sa nasabing koponan.