MATAPOS ang mahabang pakikipagbuno sa karamdaman, tuluyan nang pumanaw ang sikat na basketbolistang si Boybits Victoria sa edad na 50.
Sa isang abiso ni Nathan Victoria, anak ng 1994 Rookie of the Year, inatake sa puso ang amang nagpakilig sa mga basketball fanatics noong mga panahong naglalaro pa para sa mga koponan ng Swift, Sunkist at San Miguel.
Sa kanyang karera bilang atleta, naging malaki ang ambag ni Victoria sa pitong kampeonato ng Sunkist at San Miguel.
“Hello po, this is Boybits’ kids, Ciaz Victoria and Nathan Victoria. It’s with a heavy heart that we announce our dad’s… Our father suffered an acute myocardial infarction and was pronounced dead at 6:55 pm at San Juan De Dios Manila,” saad ng post sa social media.
Bago pa man sumalang sa angioplasty operation bunsod ng autoimmune disorder, inakala ng mga anak na magtutuloy-tuloy na ang paggaling ng amang nanatili ng ilang linggo sa pagamutan.
Taong 1994 nang kunin bilang third overall draft pick ng Swift si Victoria na nagpamalas ng husay maglaro sa ilalim ng koponan ng San Beda.